BALIKAN: Halos 5 buwang bakbakan sa Marawi | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

BALIKAN: Halos 5 buwang bakbakan sa Marawi

BALIKAN: Halos 5 buwang bakbakan sa Marawi

ABS-CBN News

Clipboard

Sa ika-148 araw ng bakbakan, idineklara ni Pangulong Duterte na "liberated" na ang Marawi. Makalipas ang halos limang buwan, patuloy ang opensiba ng militar para masupil ang tinatayang 30 natitirang teroristang nagkukubli pa rin sa lungsod.

Mayo 23

Umatake ang Maute group sa Marawi kasunod ng pumalyang pag-aresto dapat kay Isnilon Hapilon na itinuturong lider ng Islamic State sa Timog Silangang Asya. Nagulantang ang mga residente sa mga nakabihis-itim na lalaking nagwagayway ng watawat ng ISIS sa Amai Pakpak Hospital sa Marawi.

Nasunog ang Marawi City Jail at ang Dansalan College habang napapa-engkuwentro ang Maute group sa tropa ng gobyerno.

Ilang oras mula nang umatake ang Maute group sa Marawi, idineklara ni Pangulong Duterte ang batas militar sa buong Mindanao. Pinutol ni Duterte ang dapat sana'y ilang araw niyang opisyal na pagbisita noon sa Russia. Agad bumalik sa Pilipinas si Duterte para tutukan ang bakbakan sa Marawi.

Kasunod ng gulong sumiklab, malawakan ang naging paglikas ng mga taga-Marawi para matakasan ang palitan ng putok sa pagitan ng mga terorista at puwersa ng gobyerno. Mahigit 350,000 residente ang naging "displaced" dahil sa sigalot.

Hunyo 1

Sinabi ng Department of National Defense na nasawi ang 10 sundalo at sugatan ang walong iba pa dahil sa air strike na mismong militar ang naglunsad. Sa tala namang ibinigay ng Armed Forces of the Philippines, 11 sundalo ang patay at pitong iba pa ang sugatan sa "friendly fire".

Hunyo 6

Nahuli si Cayamora Maute, ama ng magkapatid na Omar at Abdullah Maute, sa isang checkpoint sa Davao City. Sinasabing isa si Cayamora sa mga nagpondo sa teroristang grupo. Pumanaw si Cayamora noong Agosto 27 dahil sa sakit.

Nasa P52 milyong cash at P27 milyong halaga ng tseke, o may kabuuang P79 milyong halaga ng pera, ang narekober ng Philippine Marines sa isang bahay na pinagkutaan ng grupong Maute sa Marawi City.

Lumabas ang isang video na nagpapakita kung paano pinagplanuhan nina Isnilon Hapilon at mga miyembro ng pamilya Maute ang pag-atake sa Marawi.

Hunyo 9

Sunod na nahuli si Ominta Romato "Farhana" Maute, asawa ni Cayamora at ina ng magkapatid na Omar at Abdullah Maute. Nahuli siya kasama ang dalawang iba pang sugatang hinihinalang miyembro ng Maute group nang maharang ang kanilang sasakyan sa Brgy. Kormatan sa Masiu, Lanao del Sur.

Hunyo 10

Nalagasan ang tropa ng gobyerno nang masawi ang 13 Marines sa gitna ng kanilang operasyon para saklolohan ang mga sibilyang naiipit noon sa hidwaan.

Hunyo 12

Hindi natapos ang sigalot sa Marawi sa kabila ng target na isabay sa Araw ng Kalayaan ang pagwawakas sa bakbakan. Sinaluduhan ang mga pulis at sundalong nag-alay ng buhay para ipagtanggol ang bayan.

Hunyo 22

Hindi lang mga sundalo, kundi pati ilang sibilyan at miyembro ng media ang nagkaroon ng karanasan sa ligaw na bala sa Marawi. Tinamaan ng ligaw na bala ang van na noo'y gamit ng team ng ABS-CBN News. Isang dayuhang mamamahayag din ang tinamaan ng bala habang nasa kapitolyo ng Lanao del Sur

Noong buwan ng Hulyo, napasakamay ng mga awtoridad ang isang binatilyong mandirigma ng Maute. Ikinuwento niya kung paano sila nire-recruit at sinasanay sa pakikipaglaban ng teroristang grupo. Kabilang umano sa kanilang training ang pagpugot sa bihag.

Hulyo 20

Sa kauna-unahang pagkakataon, bumisita si Pangulong Duterte sa mga sundalo sa Marawi. Para matiyak ang kaniyang seguridad, ipinaalam lang sa media ang tungkol sa pagbisita ni Duterte nang makaalis na siya sa Marawi. Nangako ang Pangulo ng P50 bilyong trust fund para sa mga anak ng mga pulis at sundalo. Nangyari ang pagbisita ilang araw bago ang State of the Nation Address ni Duterte noong Hulyo 24.

Hulyo 22

Bago mapaso ang 60 araw na bisa ng batas militar, pinagbotohan sa Kongreso ang pagpapalawig ng martial law. Pumabor ang 261 mambabatas sa martial law extension hanggang katapusan ng 2017, habang 18 ang kumontra rito.

Halos hindi na makilala ang tulay ng Mapandi nang mabawi ito ng militar mula sa mga terorista. Nagdudugtong ang tulay sa iba pang bahagi ng Marawi na hindi agad napasok ng militar dahil sa mga inihandang patibong ng Maute sa tulay.

Agosto 22

Inatake ang munisipyo ng Marantao ng mga hinihinalang tagasuporta ng Maute Group. Ayon sa ilang residente, nasa 40 armadong lalaki ang lumusob sa lugar at napa-engkuwentro sa tropa ng gobyerno. Agad ding nasupil ng militar ang mga umatake.

Agosto 24

Sa ikatlong pagkakataon, bumisita sa Marawi si Pangulong Duterte. Gumamit siya ng sniper rifle para asintahin ang mga teroristang tatlong buwan nang naghahasik ng karahasan noon sa Marawi.

Setyembre 16

Nasagip ang bihag ng Maute na si Fr. Chito Soganub. Kinompirma lang ng militar ang ulat kasabay ng pagharap sa media sa nakalayang pari. Sa isang bersiyon ng kuwento, nailigtas ng militar si Soganub kasabay ng pagbawi sa Bato Mosque. Pero sa isa pang bersiyon, nakatakas ang pari mula sa mga terorista.

Sa buwan din ng Setyembre, nabawi ng militar ang mga tulay ng Banggolo at Raya Madaya sa Marawi. Mahalagang nabawi ang mga tulay dahil dating nilatagan iyon ng mga pasabog at patibong ng mga terorista para hindi mapigilan ang pag-abante ng mga sundalo sa mga kuta ng Maute.

Pagpasok ng Oktubre, nagdeklara ang militar na matatapos na nila ang giyera sa loob ng dalawang linggo. Lalong lumiit na ang lugar na ginagalawan ng mga terorista. Tiniyak din ng mga sundalo na hindi na makatatakas palabas ng Marawi ang mga mandirigma ng Maute.

Oktubre 16

Napatay sa opensiba ng militar ang mga teroristang sina Omar Maute at Isnilon Hapilon, itinuturing na mga pasimuno ng pag-atake sa Marawi. Naniniwala ang militar na malaking dagok sa teroristang grupo ang pagkasawi ng dalawang pinuno ng bakbakan.

Oktubre 17

Sa ika-148 araw ng bakbakan, idineklara ni Pangulong Duterte na “liberated” na ang Marawi. Sa huling tala, 161 sundalo ang nagbuwis ng buhay para sa bayan. Nasawi rin ang 46 sibilyan. Napatay rin sa bakbakan ang 817 terorista.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.