Martial law hanggang katapusan ng 2017, OK sa Kongreso | ABS-CBN

ABS-CBN Ball 2025:
|

ADVERTISEMENT

ABS-CBN Ball 2025:
|
dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Martial law hanggang katapusan ng 2017, OK sa Kongreso

Martial law hanggang katapusan ng 2017, OK sa Kongreso

ABS-CBN News

 | 

Updated Jul 22, 2017 08:44 PM PHT

Clipboard

Lumusot na sa Kongreso ang hiniling ni Pangulong Duterte na pagpapalawig sa batas militar sa Mindanao, at ang pagpapanatili sa suspensiyon ng privilege of writ of habeas corpus.

Pumabor sa martial law extension ang 261 mambabatas, habang kumontra ang 18.

Sa hanay ng mga senador, 16 ang sumang-ayon sa martial law extension, habang apat ang hindi pabor dito. Hindi kasama sa mga bumoto si Sen. Leila de Lima na hindi binigyan ng furlough para makadalo sa joint session. Wala rin sa sesyon si Sen. Antonio Trillanes IV na nasa ibang bansa ngayon.

Sa hanay naman ng mga kongresista, 245 ang boto sa pagpapalawig, at 14 ang hindi sumang-ayon.

ADVERTISEMENT

Kabilang sa mga sumang-ayon si Kusug-Tausug party-list Rep. Shernee Abubakar Tan na nang magpaliwanag ng boto sa plenaryo, iminungkahi pang palawakin din ang saklaw ng batas militar.

"Kusug-Tausug party-list suggests that this august body extend martial law not just in Mindanao, but all throughout the entire country," pahayag ni Tan na pinalakpakan ng ilang kabaro niya.

Haba ng martial law extension, pinagdebatehan

Bago magbilangan ng boto, inulit ni Executive Secretary Salvador Medialdea sa kaniyang talumpati ang ulat at hiling ni Pangulong Duterte na martial law extension.

Nang sumalang sa plenaryo sina Medialdea, Defense Secretary at martial law administrator Delfin Lorenzana, Armed Forces Chief of Staff at martial law implementor General Eduardo Año, at National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., natanong sila ng mga mambabatas kung bakit kailangang magkaroon ng extension.

Paulit-ulit ang tanong sa mga opisyal, pero hindi naging malinaw ang sagot kung ano ang idudulot na solusyon ng batas militar na hindi kayang ibigay ng kasalukuyang mga batas, kasama na ang Human Security Act.

ADVERTISEMENT

Natanong din ang mga opisyal ng Pangulo kung bakit nasama ang ilegal na droga, New People's Army, at iba pang grupo sa usapin ng batas militar. Natanong din kung bakit nasaklaw ang buong Mindanao, kahit ang mga probinsiyang malayo sa Marawi; bakit hanggang katapusan ng taon, at bakit hindi maaaring iklian o agahan ang pagbawi sa batas militar.

Sagot naman ng mga opisyal, hindi pa tapos ang rebelyon. Marami ring narekober na armas na ginamit ng mga rebeldeng pinopondohan umano ng perang galing sa ilegal na droga.

Anila, mas mainam na raw ang humirit ng mahabang extension na tiyak silang matatapos ang problema kaysa humirit ng maikling extension na bigo naman sila sa misyon nila.

Masyado rin umanong marami ang mga rebelde at marami silang puwedeng pagtaguan sa Mindanao. Mas madali raw mahuhuli ang mga terorista kapag may martial law.

Tiniyak din ng ehekutibo na babawiin ang martial law nang maaga kapag di na ito kailangan.

ADVERTISEMENT

Drilon Amendment

Sinubukan naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na magpasok ng 'amendment' o pagbabago sa haba ng panahon ng pagpapalawig sa martial law.

Ani Drilon, hindi kailangang umabot nang hanggang katapusan ng 2017 ang pagpapalawig sa batas militar.

"I don't think it is a disrespect to the Chief Executive if we exercise that prerogative to fix the period other than what the President has indicated," paliwanag ni Drilon. "In fact, some of our colleagues were quoted as saying that the President told them that 60 days extension of martial law is OK. Martial law extension under these circumstances should not exceed 60 days."

Pero ipinunto ni Sen. Gringo Honasan na kung pagbabasehan ang security briefing na ibinigay sa Senado kamakailan, may basehan ang martial law extension hanggang Disyembre.

Nagbotohan ang Senado kung ipapasok ang hiling na amyenda ni Drilon, pero idineklarang 'amendment lost' o hindi lumusot ang hiling na 60 araw lang na extension ng martial law.

ADVERTISEMENT

Matapos ang pangkalahatang botohan para sa pagpapalawig ng batas militar, muling nagsalita si Drilon sa plenaryo para ipaliwanag ang hindi niya pagpabor sa martial law extension hanggang katapusan ng taon.

Aniya, base na rin sa request para sa martial law extension ng Pangulo, 10 lang sa 27 probinsiya sa Mindanao ang aktuwal na apektado o may banta ng rebelyon. Dapat daw na limitahan lang ang batas militar sa mga lugar na iyon.

"With the facts presented to us however, we are confident that our military will be successful in resolving the crisis within a period of time shorter than the end of the year," ani Drilon. "We also remain faithful to the Constitution in recommending that the extension be limited only to the areas directly affected in Mindanao."

Binigyang diin din ng Senate minority floor leader ang malinaw na isinasaad ng Saligang Batas na dapat lang magkaroon ng batas militar kung may aktuwal na rebelyon sa isang lugar.

"If this Congress, as it did, gives its full and unqualified assent for the continued martial law in the entire Mindanao, where there is no evidence of actual rebellion outside of Marawi city, then we might just be reduced into a mere 'echo chamber'," sabi ni Drilon.

ADVERTISEMENT

Dagdag pa ng senador, ano na lang ang magiging pamantayan para hindi isailalim ang buong bansa sa batas militar?

"If we shirk from our role as supreme policy-making body and allow without any basis the extension of martial law and its coverage to entire Mindanao, tomorrow, Mr. President, we will wake up with martial law being declared in the entire country under the justification of an existing rebellion in Marawi city."

Ilang nakaranas ng gulo sa Marawi, iniharap sa plenaryo

Bukod sa mga mambabatas, sumalang din sa plenaryo ang ilang personal na nakaranas ng gulo sa Marawi.

Iniharap ni Sen. Grace Poe si Samira Gutoc-Tomawis na isa sa convenor ng Ranao Rescue Team sa Marawi City.

Nagkuwento si Gutoc-Tomawis sa ilang insidenteng tila nalabag ang karapatang pantao ng mga sibilyang naipit sa karahasan.

ADVERTISEMENT

Ipinunto rin niya ang mistulang kalapastanganan sa Islam dahil hindi naililibing ang labi ng mga nasawing sibilyan.

"I am from Marawi City. Please ask us 'how do we feel?'" maluha-luhang sambit ni Gutoc-Tomawis sa Kongreso.

Nauna nang tinanong ni Sen. Francis Pangilinan kung maaari bang makakuha ng lingguhang ulat tungkol sa lagay ng karapatang pantao ang Kongreso. Binaybay din ni Poe ang panukalang ito sa kanyang pagtatanong.

Iginiit naman ng mga mambabatas na sina Arlene Brosas ng Gabriela at Sarah Elago ng Kabataan na hindi ganap na totoo ang sinasabi ng gobyerno na walang nagaganap na human rights violations.

'Mas mahirap sa Zamboanga siege'

Nagsalita rin sa plenaryo si 1Lt. Kent Fagyan, isa sa mga sundalong sumabak at sugatan sa bakbakan sa Marawi.

ADVERTISEMENT

Kuwento ng sundalo, mahirap pasukin ang mga bahay na pinagtataguan ng mga rebelde.

Lubhang mas mahirap din ang bakbakan ngayon sa Marawi, kumpara sa 2013 Zamboanga siege kung saan nakipaglaban din si Fagyan.

Kailangan rin aniya ang martial law para mapadali ang kanilang operasyon.

Nagpasalamat din ang sundalo sa lahat ng nagpaabot ng tulong para sa mga tropa ng gobyerno.

"Ginagawa po namin ang trabaho namin, para ma-liberate ang Marawi. On behalf po sa mga kasamahan kong lumalaban pa sa Marawi, nagpapasalamat po kami sa patuloy niyong pagtulong sa amin kasi nararamdaman po namin, hindi po kami nag-iisa na lumalaban sa kanila [Maute]."

ADVERTISEMENT

Sa Lunes, Hulyo 24, magbubukas ang regular na sesyon ng Kongreso kasabay ng ikalawang State of the Nation Address Address ni Pangulong Duterte.


-- May ulat nina RG Cruz at Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.