Maute, puwersa ng gobyerno, nagpalitan ng putok sa Marawi | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Maute, puwersa ng gobyerno, nagpalitan ng putok sa Marawi

Maute, puwersa ng gobyerno, nagpalitan ng putok sa Marawi

ABS-CBN News

 | 

Updated May 24, 2017 12:33 PM PHT

Clipboard

Mindanao, isinailalim sa martial law

Itim na bandila, itinaas sa Amai Pakpak Hospital. Mula sa isang source na tumangging magpakilala

MARAWI CITY (5th UPDATE) – Nagdeklara na si Pangulong Rodrigo Duterte ng 60 araw na martial law sa Mindanao, at plano nitong umuwi nang mas maaga mula sa official visit sa Russia sa gitna ng bakbakan sa Marawi.

Tatlo umano ang patay, at 12 ang sugatan sa engkuwentro na nagsimula nitong Martes ng hapon sa pagitan ng isang grupong iniuugnay sa Islamic State (ISIS), at mga puwersa ng gobyerno sa Barangay Malutlut.

Ito ay ayon kay National Defense Secretary Delfin Lorenzana, sa isang press conference sa Moscow, Russia, Martes ng gabi (oras sa Pilipinas).

Upang mapanatili ang kapayapaan sa lugar ay nagdeklara ng martial law si Duterte sa Mindanao, na magiging epektibo ng 60 araw.

ADVERTISEMENT

Sa isang panayam Martes ng hapon ay naunang kinumpirma ni Superintendent Lemuel Gonda, tagapagsalita ng Police Regional Office 10, na nagkapalitan ng putok sa pagitan ng Maute Group at pinagsamang puwersa ng mga pulis at sundalo.

Sa panayam sa ABS-CBN News Channel, sinabi ni Gonda na wala naman daw bantang kumalat ang labanan sa ibang lugar. Nagpapatuloy silang bantayan ang mga pangyayari.

Ang direktiba umano ng mga awtoridad ay magpatupad ng security measures tulad ng pagtatayo ng checkpoint at pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan, partikular sa mga lugar ng Lanao del Norte, Iligan City, at Bukidnon.

Wala pa umanong impormasyon kung ilang kasapi ng Maute Group ang kasama sa engkuwentro. Ngunit sabi ni Heneral Eduardo Ano, chief of staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP), sa panayam sa ABS-CBN News Channel (ANC) bandang alas-9 ng gabi, bagama't may mga nasaktan din sa panig ng Maute Group, hindi nila mabilang ang mga ito sa ngayon.

Sa isang pahayag, sinabi ng AFP na ang engkuwentro sa Marawi ay bahagi ng isang operasyon na kanilang sinimulan, kasama ang Philippine National Police (PNP).

"We received reliable information on Hapilon and a number of his cohorts. Updates to follow as the operation is still ongoing," sabi ni AFP spokesman Brigadier General Restituto Padilla.

Si Isnalon Hapilon ay pinaniniwalaang pinuno ng ISIS sa Timog Silangang Asya.

Sinabi naman ni Esperon na magpapasok sila ng dalawang reconnaissance companies sa Marawi City "as soon as possible."

“We have an abundance of forces and if necessary from what I see now, we could send in more forces. So let us wait for developments…There will be some standing down of forces and populated areas will have to be secured,” aniya.

Dagdag niya, hindi gusto ni Duterte ang pangyayari.

“Of course he doesn’t like it. We are giving him reports as they come from the Philippines. But his orders, as always, will be for our troops to pursue the enemy,” ani Esperon.

Kasalukuyang nasa Russia ang pangulo, kasama ang ilang mga opisyal ng Gabinete.

‘DIVERSIONARY TACTIC’

Ayon sa isang source na tumangging magpakilala, nagtaas ng itim na bandila ang mga militante sa Amai Pakpak Hospital. Sinabi ni Esperon na sinubukan nga raw itong gawin ng mga militante.

“There was an attempt. Dati ginawa na yan. But the matter of raising flags is really something conclusively done. But once it is done…troops are deployed to the area para ma-neutralize agad yung threat,” sabi niya.

Ayon kay Hussein Lucman, isang doktor sa Amai Pakpak Medical Center, may nagpunta umanong armadong mga lalaki na maaaring kasapi ng Maute Group upang magpagamot ng isang nasugatan.

“Yes, they went here earlier, may kasamahan sila. The patient apparently died. There is another one, an ambulance driver, got shot. He was brought to the operating room and is currently in the recovery area already,” ani Lucman.

Sa panayam sa DZMM, sinabi naman ni Dr. Mohammad Abedin, pangulo ng Lanao del Sur Medical Society, na nasa Mindalano Specialist Hospital, may nakita din sila umanong mga armadong lalaking nakabantay sa kalsada. Hindi naman makumpirma kung sila ay kasapi ng Maute Group o puwersa ng pamahalaan.

Sabi ni Esperon ay maaaring kunektado ang pagsalakay sa ospital sa pagdepensa ng Maute Group.

“It could be related. I mean 'yung attack dun sa ospital could be related as a diversionary tactic or there could be some situations that are developing simultaneously. Ngayon, so we could be more objective about it, let us not speculate about it,” aniya.

Samantala, hindi kinumpirma ng PNP ang ulat ng mga source sa lugar na sinalakay umano ng Maute Group ang Marawi Police Station at Marawi City Jail. Ani Gonda, wala pa silang nakukuhang report mula sa kanilang mga tauhan sa lugar ukol dito.

Nilinaw din ni Majul Usman Gandamra, alkalde ng Marawi City, na lahat ng pasilidad ng gobyerno ay nasa kontrol pa rin nila. Hindi umano totoo ang mga balibalitang mayroong na-okupa ang Maute Group.

Kinumpirma ng tagapagsalita ng Police Regional Office 10 na nagkaroon ng engkwentro sa Marawi City sa pagitan ng Matue Group at puwersa ng gobyerno. Angelo Andrade, ABS-CBN News

Sa isang panayam, sinabi sa ABS-CBN News ni Alim Saad Ibrahim Amate, isang relihiyosong lider sa Lanao del Sur, na nadinig nila sa 2-way transition radio na pinag-uusapan kung paano sinalakay ng mga sundalo ang pinagtataguang lugar ng ilang miyembro ng Maute Group sa nasabing barangay.

Nagkaroon umano ng engkuwentro dahil lumaban ang mga kasapi ng Maute Group sa mga sundalo.

Ayon naman sa isa sa mga lider ng komunidad, na kilala rin bilang tagasuporta ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na si Agakhan Sharief, wala umanong pinalalabas mula Marawi papuntang Iligan at wala ring pinapapasok dito.

Pero hindi lang daw ang militar ang nagsagawa ng roadblocks at checkpoint—maging ang Maute Group ay nakapuwesto rin umano malapit sa Amai Pakpak Hospital, na hindi lalayo sa Mindanao State University at kampo ng 103rd Brigade ng militar sa mga Barangay ng Matampay, Marinaut, at Lilod.

Nananawagan si Sharief kay Pangulong Rodrigo Duterte na huwag patulan ang mga miyembro ng Maute Group, at hayaan silang makausap muna ang mga ito.

Ayon kay Gonda, marami sa mga residente ang hindi raw nakakalabas sa kanilang mga bahay dahil sa nagpapatuloy na engkuwentro. Marami rin daw ang sumubok lumikas, ngunit may mga natamaan na rin daw sa crossfire.

Isinara na rin ang ilang opisina ng gobyerno sa lugar.

Sabi ni Esperon, hindi raw dapat mabahala ang mga residenteng stranded sa Marawi City.

“To those stranded in Marawi: Let us leave that to the local commanders. Merong SOP yan, nagkakaroon agad ng assistance. That’s part of crisis management,” aniya.

-- May mga ulat mula kina Roxanne Arevalo, Angelo Andrade, Doris Bigornia, Dharel Placido, at Henry Atuelan, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.