KBYN: Sipag at pagpupursigi ng pinya vendor na may polio
ABS-CBN News
Posted at Aug 15 2022 12:26 AM
Maraming tindero at tindera ang makikita sa daan sa tiangge Taytay, Rizal pero isa lang ang agaw-pansin sa lugar.
Ito ang 58 taong gulang pinya vendor na si Marcial Padilla.
Minamaneho niya ang bike kung saan ang kaniyang mga kamay ang pumi-pedal para mapatakbo ito.
Buong buhay ni Padilla kalbaryo niya na ang kaniyang polio.
"Nagkasakit ako ng lagnat nu'n mahigit isang taon (gulang), na-overdose sa gamot na-polio. Isang araw daw nu'n sabi ng lola ko hindi lang sampung beses ako dadalhin sa doktor. 'Yung nag-injection naman sa akin hindi naman doktor, mid-wife," kuwento ni Padilla sa KBYN.
Tubong Capiz si Padilla at napadpad lamang sa Maynila upang magpagamot.
Mula noon, kung saan-saan na siya tumira hanggang sa mapadpad sa Taytay, Rizal.
Nag-iisa lang sa buhay si Padilla. Ang magkaroon ng sariling pamilya ay hindi niya hinangad dahil sa kaniyang kondisyon.
Para makapaghanapbuhay at makapagbenta ng mga pinya, binuo niya ang improvised bike na magagamit niya sa kabila ng kaniyang kapansanan.
"Inisip ko kung paano ako makapag-ano ng bisikleta, titingnan ko 'yung gulong sa unahan, kung saan ko ilagay yung pidal. Ginawa ko binaliktad ko. Nu'ng magawa na ma-assemble, sinubukang patakbuhin, nagawa ko mapatakbo sabi ko okay makapag hanapbuhay na ko," ani Padilla
Kilala na sa lugar sa Padilla dahil sa kaniyang naiibang sipag at determinasyon para buhayin ang sarili.
Hinandugan ng KBYN sa pangunguna mismo ni Kabayan Noli de Castro ng munting regalo si Padilla na makatutulong sa kaniyang hanapbuhay.
Sa kabila ng kaniyang kapansanan, ipinapakita niya sa karamihan na hindi ito hadlang para hindi magpatuloy sa buhay.
"Kung sa mga katulad ko na may kapansanan, may hanapbuhay kayo, maghanapbuhay kayo. Kaya maghanapbuhay, huwag umasa sa lakas ng may lakas. 'Yung talento mong gagamitin mo. Kahit na bigyan ako magtatrabaho pa rin ako kasi ayoko ng ako'y aasa na lang sa ano. Hanggang buo po 'yung mga kamay ko at pag-iisip ko, magtatrabaho ako ng maayos, magtatrabaho ako ng parehas," paglalahad ni Padilla.
RELATED ARTICLES:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Tagalog news, KBYN, Current affairs, Kabayan, Kabayan Noli de Castro, Noli de Castro