HALALAN 2019: Mga naghain ng kandidatura nitong Martes, Oktubre 16

ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2018 01:10 PM | Updated as of Oct 16 2018 09:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagpatuloy nitong Martes ang paghahain ng kandidatura ng mga nais tumakbo sa halalan sa susunod na taon. 

Bukod sa mga gustong tumakbo bilang mga opisyal ng mga lokalidad at lalawigan, tinututukan din ang mga tatakbo para sa Kamara at sa 12 bukas na puwesto sa Senado.

Kabilang sa mga nagsumite ng kanilang certificates of candidacy (COC) nitong Martes ang mga sumusunod:

SENADO

— Dalawang taon matapos mabigo sa kaniyang pagkandidato noong 2016 sa pagkapangulo, naghain ng COC si Mar Roxas para tumakbo sa Senado. 

Naging senador si Roxas mula 2004 hanggang 2010. Naging Capiz 1st district representative rin siya mula 1993 hanggang 2000. Kumandidato bilang bise presidente si Roxas noong 2010 ngunit natalo laban sa dating alkalde ng Makati na si Jejomar Binay. 

— Susubukan ni Bam Aquino na makamit ang kaniyang ikalawang termino sa pagkasenador. Pinsan siya ni dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III.

Nakapagpasa na siya ng mga batas na nakasentro sa edukasyon, sining, at kultura. 

— Tatakbo ang gobernador ng Ilocos Norte na si Imee Marcos para sa pagkasenador. Mas kilala si Marcos bilang anak ng dating pangulo at diktador na si Ferdinand Marcos. Kung manalo man, nais niya umanong aksiyonan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. 

— Gamit ang bisikleta, bumiyahe mula Rizal Monument hanggang tanggapan ng Comelec sa Intramuros si Taguig 2nd District Representative Pia Cayetano para maghain ng kaniyang kandidatura sa pagkasenador. 

Bago mapunta sa Kamara, nagsilbi nang senador si Cayetano mula 2004 hanggang 2016. 

— Sa unang pagkakataon ay tatakbo ang human rights lawyer na si Chel Diokno sa pagkasenador. Siya rin ang founding dean ng College of Law ng De La Salle University. Anak siya ng dating senador at martial law prisoner na si Jose Diokno. 

  •  Lorenzo "Erin" Tañada III 

— Kakandidato si dating Deputy Speaker at Quezon 4th District Representative Erin Tañada sa pagkasenador. Kung papalarin, susundan niya ang yapak ng dating senador at ama na si Wigberto "Bobby" Tañada, at lolo na binansagang "grand old man of Philippine politics" na si Lorenzo Tañada. 

Habang kongresista, iniakda ni Tañada ang "Anti-Torture Act of 2009" (Republic Act No. 9749), "Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity" (Republic Act No. 9851), at "Renewable Energy Act of 2008" (RA 9513).

— Muling tatakbo para sa Senado si Jinggoy Estrada matapos ang ilang taong pagkakabilanggo. Ikapito si Estrada sa survey ng Pulse Asia ukol sa mga senatorial candidates. 

Bago naging senador, naihalal na alkalde ng San Juan si Estrada. Naharap din ito sa kasong plunder at graft kaugnay ng priority development assistance fund scam noong 2014. Nakapagpiyansa si Estrada noong 2017. 

Watch more in iWant or TFC.tv

— Kakampanya naman ang 94 anyos na si Enrile sa kaniyang ikalimang termino sa pagkasenador. Ang abogado niyang si Atty. Joseph Sagandoy ang naghain ng COC ni Enrile para sa kaniya. 

Nagsilbing Justice secretary at Defense secretary si Enrile noong panahon ng dating pangulo at diktador na Ferdinand Marcos Sr. bago pumanig sa pag-aaklas na nagbunsod ng EDSA People Power noong 1986. Nitong taon, inulan ng batikos si Enrile sa kaniyang tete-a-tete kasama si dating Senador Bongbong Marcos Jr., matapos umanong baligtarin ang kaniyang papel sa EDSA revolution. 

Kasama rin siya nina Jinggoy Estrada at Bong Revilla nang masampahan ng kasong plunder sa umano'y papel sa Priority Development Assistance Fund scam noong siya'y Senate president pa. Kung manalo ng puwesto sa Senado, siya ay 100 na bago matapos ang kaniyang termino. 

  • Lisa Bustos Schneider

— Tatakbo ang dating aktres at brodkaster na si Lisa Bustos Schneider sa pagkasenador bilang independent candidate. Ayon sa kaniya, pangangatawanan niya ang ordinaryong Pilipino sa kaniyang kampanya. 

Watch more in iWant or TFC.tv

LOKAL 

— Matapos ang umano'y girian sa pagitan nila ng kapatid niyang si incumbent Makati Mayor Abby Binay, nagpasyang tumakbo si Junjun bilang alkalde ng Makati. 

Ito ay matapos sabihin ng kanilang ama at dating Bise Presidente Jejomar Binay na nirerespeto niya ang desisyon ng dalawa niyang anak na parehong nais tumakbo bilang alkalde.

Nagsilbing alkalde si Junjun ng Makati mula 2013 hanggang suspendehin at kalauna'y sibakin ng Ombudsman sa kasong graft at palsipikasyon ng mga dokumento kaugnay ng pagpapatuloy ng mga umano'y maanomalyang mga proyekto ng kaniyang ama. 

Napatawan din siya ng "perpetual disqualification" o habambuhay na pagbabawal na makabalik sa anumang puwesto sa gobyerno. 

Pero ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, titingnan pa nila kung "final" na ang desisyon tungkol sa kaso ni Binay. 

Watch more in iWant or TFC.tv

— Mas kilala si Gemma Lubigan bilang asawa ng pinaslang na Trece Martires Vice Mayor na si Alex Lubigan. Pinaslang noong hapon ng Hulyo 7 si Alex nang pagbabarilin ng mga armadong lalaki habang ito ay nakasakay sa kaniyang pick-up truck. 

—Matapos ang dalawang termino sa pagkagobernador sa Cebu, maghahain ng kaniyang kandidatura si Davide bilang bise gobernador ng lungsod. 

Si Davide ang anak ni dating Chief Justice Hilario Davide Jr. Nagsilbi rin siyang konsehal ng Cebu mula 2004 hanggang 2010 bago tumakbo sa pagkagobernador noong 2013. 

—Bago ang kaniyang kandidatura, nagsilbing Secretary to the Cabinet si Jun Evasco sa ilalim ng administrasyong Duterte mula 2016. Si Evasco rin ang pumalit kay Bise Presidente Leni Robredo bilang chairman ng Housing and Urban Development Coordinating Council. 

Bago maging miyembro ng gabinete ni Duterte, nagsilbing alkalde si Evasco ng Maribojoc, Bohol ng tatlong termino. Nagsilbi rin siyang chief of staff ni Duterte noong alkalde pa ito ng Davao City. 

  •  Rolando Andaya Jr. (Camarines Sur governor) 

— Naghain ng kandidatura si House Majority Floor Leader Rolando Andaya para sa pagkagobernador sa Camarines Sur. Inatasan siyang Budget secretary noong 2006 sa ilalim ni dating Pangulo at ngayo'y House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo. 

  • Sheryl Cruz (Manila councilor)

— Matapos daw ang pagmumuni-muni sa kaniyang pagpasok sa politika, nagpasya nang tumakbo ang dating aktres na si Sheryl Cruz bilang konsehal ng Tondo, Maynila, sa ilalim ng Partigo ng Masang Pilipino. 

Watch more in iWant or TFC.tv
  •  Rico J. Puno (Makati Councilor) 

—Tatakbo si Rico J. Puno bilang konsehal sa Makati, kung saan nagsilbi siya bilang konsehal mula 1998 hanggang 2007. Dati nang tumakbo si Puno bilang bise alkalde ng Makati noong 2010 pero nabigo ito, habang nanalo ang kaniyang ka-tandem na si Junjun Binay sa pagkaalkalde. 

  •  Maricel Morales (Angeles City vice mayor) 

—Susubukang maging bise alkalde ng beauty queen at aktres na si Maricel Morales, na dati nang naging konsehal ng nasabing lungsod. 

  • Jeremy Marquez (Paranaque vice mayor)

— Tatakbo rin bilang bise alkalde si Jeremy Marquez. Makaka-tandem niya si Jun Bernabe na tatakbong alkalde. 

Makakasama rin niya ang dating aktor na si Dominic Ochoa na tatakbo sa unang distrito, at Rochelle Barrameda, na tatakbong konsehal sa ikalawang distrito ng Parañaque. 

—Tatakbong konsehal ang basketball star na si Dondon Hontiveros, na pinsan ni Senador Risa Hontiveros sa Cebu. Sa kaniyang kampanya, nais niyang isulong ang mga isyu patungkol sa palakasan. 

KAMARA

  • Marilou Arroyo-Lesaca (5th district representative, Negros Occidental) 

— Naghain ng kaniyang kandidatura ang hipag ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na si Marilou Arroyo-Lesaca bilang 5th district representative ng Negros Occidental, na dati nang pinamunuan ng kaniyang kapatid na si Iggy Arroyo. 

Nagsilbi siyang kinatawan ng Ang Kasangga party-list mula 2007 hanggang 2010. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.