Jejomar, walang pinili kina Abby, Junjun

ABS-CBN News

Posted at Oct 15 2018 05:33 PM | Updated as of Oct 15 2018 08:54 PM

Abigail "Abby" Binay, Jejomar Binay Sr. at Jejomar "Junjun" Binay Jr. Composite

Inihayag nitong Lunes ni dating Vice President Jejomar Binay na nirerespeto niya ang desisyon ng dalawa niyang anak na parehong tumakbo sa pagkaalkalde sa lungsod ng Makati.

Sa isang pahayag, sinabi ni Jejomar na ipinauubaya niya sa mga botante sa Makati kung sino sa tingin nila sa pagitan nina Abby at Jejomar Erwin o "Junjun" ang mas nararapat para mamuno ang lungsod.

"Nirerespeto ko ang desisyon nilang kumandidato bilang punong-lungsod ng Makati," sabi ni Jejomar sa pahayag.

"Hindi ako ang magpapasya kung sino sa kanila ang karapat-dapat na maging punong lungsod. Ang magpapasya niyan ay ang mga mamamayan ng Makati," dagdag niya. 

Watch more in iWantTFC

Sa Abby ang kasalukuyang alkalde ng Makati na hangad tumakbo ulit para sa panibagong termino sa ilalim ng United Nationalist Alliance.

Sa ilalim naman ng lokal na partidong Una ang Makati tatakbo si Junjun, na alkalde ng Makati noong 2010 hanggang 2015.

Noong unang lumutang ang isyung magtatapat ang magkapatid na Binay sa halalan sa susunod na taon, parehong sinabi ni Abby at Junjun na hinihintay lamang nila ang salita ng kanilang ama.

Ayon kay Jejomar, nagkasundo ang magkabilang panig na pagtuunan ng pansin ang kanilang mga plataporma at plano para sa mga taga-Makati.

"Iiwasan ang mga masasakit na pananalita, at gagawing positibo at matiwasay ang ating pangangampanya. Ipapakita namin na ang Makati ay magiging modelo ng marangal at malinis na halalan," sabi ni Jejomar.

"Ano man ang maging resulta ng eleksIyon, isang pamilya pa rin kami na hindi maaaring paghiwalayin at sirain ng politika," dagdag niya.

Balak namang tumakbo ni Jejomar, na dati ring alkalde ng Makati, bilang kongresista ng unang distrito ng lungsod sa darating na halalan. 

Nagpasalamat naman si Junjun sa ama sa pagrespeto sa mga botante ng Makati sa pamamagitan ng hindi pagpanig kay Abby o sa kaniya.

"The decision of my father to endorse neither myself nor my sister in the 2019 polls shows his respect for the people of Makati," sabi ni Junjun sa isang pahayag. 

Noong nakaraang linggo, inihayag ng mayorya ng mga konsehal at barangay chairman ng Makati ang kanilang pagpanig kay Junjun dahil sa reklamong kulang daw sa "aruga" ang kasalukuyang liderato.

--May ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.