Private hospitals handang magdagdag ng COVID-19 beds pero kulang sa staff | ABS-CBN

ABS-CBN Ball 2025:
|

ADVERTISEMENT

ABS-CBN Ball 2025:
|
dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Private hospitals handang magdagdag ng COVID-19 beds pero kulang sa staff

Private hospitals handang magdagdag ng COVID-19 beds pero kulang sa staff

ABS-CBN News

 | 

Updated Mar 23, 2021 08:02 PM PHT

Clipboard

Nagsagawa ng isang simulation sa The Medical City sa Pasig para sa iba't ibang scenario kaugnay ng COVID-19 pandemic. Mark Demayo, ABS-CBN News/File

MAYNILA (UPDATE) – Inihayag ngayong Martes ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPi) na handa ang mga pribadong ospital sa bansa na magdagdag ng mga kama para sa mga pasyenteng may COVID-19 pero idinaing din ang kakulangan sa mga tauhan.

Ito ay sa harap ng muling pagdami ng mga nahahawahan ng COVID-19 sa bansa, dahilan para mapuno ang mga ospital sa urban areas, partikular sa Metro Manila, Cebu, at ilang lugar sa Batangas, Cavite, at Laguna.

Ayon kay PHAPi President Dr. Jose Rene de Grano, handa ang mga private hospital na tumugon sa hirit ng Department of Health (DOH) na magdagdag ng COVID-19 beds basta kakayanin ang pagtatalaga ng kaukulang staff.

"Madali po 'yon physically, kung sa number of beds lang. Ang problem po ay sino po ang mga staff na mag-aalaga dito sa mga COVID patients na ito dahil very limited na po ang staff ng mga private hospital," sabi ni De Grano sa Teleradyo.

ADVERTISEMENT

Nauna nang sinabi ni Health Undersecretary Leopoldo Vega na kailangang taasan ang bed allocation ng mga ospital sakaling tumaas pa ang bilang ng mga pasyenteng tatamaan ng COVID-19.

Pero maliban sa nagkakaubusan ng COVID-19 beds, kulang na rin ng mga health care worker sa mga ospital dahil kundi nahahawahan ng coronavirus ay nagli-leave o nagre-resign ang mga ito.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ayon pa kay De Grano, bukas din ang mga pribadong ospital sa pagpapahiram ng mga nurse mula sa militar at pulisya.

"Ang dapat lang linawin diyan, halimbawa, talagang ipadala sila sa private hospitals, sino ang ang responsible na person dito sa mga taong ito?" aniya.

Hinaing ni De Grano kung saan kukuha ng dagdag na nurse gayong kulang na kulang na nito sa bansa.

ILANG OSPITAL, PUNO NA ANG COVID-19 WARD

Samantala, umapela naman sa publiko ang The Medical City sa Pasig na humanap muna ng ibang ospital na may bakanteng kama para sa COVID-19 patients.

Ayon kay The Medical City chief medical officer Dr. Rafael Claudio, puno na ang kanilang COVID-19 ward dahil sa 100 COVID-19 patients na naka-admit ngayon sa ospital, kabilang ang 16 na nasa intensive care unit (ICU).

Noong Lunes, ani Claudio, may 20 pasyenteng matagal na naghintay sa emergency room dahil sa kawalan ng bakanteng kama.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Apektado rin umano ang manpower ng ospital dahil 27 health workers doon ang tinamaan ng COVID-19 at halos 70 pa ang naka-quarantine.

Higit 100 porsiyento naman nang okupado ng COVID-19 patients ang mga kama sa St. Luke's Medical Center sa Quezon City at Bonifacio Global City.

Ayon kay St. Luke's chief medical officer Dr. Benjamin Campomanes, nasa 121 porsiyento nang full capacity ang ICU beds habang 105 porsiyento naman ang COVID-19 ward sa Quezon City hospital.

Sa St. Luke's Global City naman, 135 porsiyento nang puno ang ICU habang 129 porsiyentong okupado ang ward.

Tumatagal umano ng 3 hanggang 5 araw ang paghihintay ng pasyente bago ma-admit.

Ayon kay Campomanes, naglagay na ang ospital ng dagdag na doktor at kama sa emergency room.

Pinapauwi naman aniya ang mga COVID-19 patient na may mild symptoms matapos bigyan ng instructions.

Gayunman, hindi raw tatanggihan ng St. Luke's ang mga pasyente, lalo’t ang iba sa kanila ay tinanggihan na ng 5 o 6 na ospital.

Sa ngayon, sapat ang health workers ng ospital pero nangangamba si Campomanes na makaramdam ang mga ito ng burnout.

Nasa kritikal na rin ang kapasidad ng Amang Rodriguez Memorial Medical Center sa Marikina.

Nag-abiso ang ospital sa mga may mild symptoms na mag-isolate na lang sa bahay kaysa makipagsiksikan sa ospital.

Ayon kay Dr. Imelda Mateo, chief ng medical center, puwede ring gamitin ng publiko ang online channels at hotlines nila para sa konsultasyon.

Mula sa inilaang 90 COVID-19 beds, 76 ang naka-admit ngayon na kumpirmadong may COVID-19 pero may mga naghihintay pa sa emergency room.

Ayon kay Marikina Mayor Marcelino Teodoro, kinakausap na ng lokal na pamahalaan ang maliliit na ospital para ma-accommodate ang mga non-COVID-19 cases para makatutok ang Amang Rodriguez sa COVID-19 patients.

Ayon naman kay Vega, na siya ring treatment czar, "overwhelmed" o hirap kayanin ng One Hospital Command Center ang pag-refer ng COVID-19 patients dahil sa dami ng tawag.

Nasa 300 tawag ang natatanggap ng command center kada araw kompara sa 66 noong isang buwan, ani Vega.

Noong Martes, umakyat sa 677,653 ang kabuuang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas matapos makapagtala ang Department of Health ng 5,867 dagdag na kaso. Sa bilang na iyon, 86,200 ang active cases.

-- May ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.