Ilang ospital humihiling ng dagdag na health workers | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Ilang ospital humihiling ng dagdag na health workers

Ilang ospital humihiling ng dagdag na health workers

ABS-CBN News

 | 

Updated Mar 22, 2021 06:50 PM PHT

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) – Umaapela na ng dagdag na nurse ang mga ospital para makapagserbisyo sa gitna ng dumaraming tinatamaan ng COVID-19.

Sa panayam ng TeleRadyo, sinabi ni Philippine Hospital Association President Jaime Almora na bukod sa nagkakaubusan ng kama para sa COVID-19 patients, kulang na rin ang mga nurse para mag-alaga ng mga pasyente.

Ayon kay Almora, puwedeng kumuha muna ng mga nurse sa pulisya o militar, o kaya sa mga call center dahil ang ilang nurse ay doon na lang pinipiling magtrabaho.

"Pagod na ang mga nurse. Talagang kulang-kulang ang mga nurse. Kaya kailangan na talaga ng reinforcement... na manggagaling sa military saka police, kasi nasa kanila na 'yong karamihan ng nurses namin. Nasa kanila na dahil malaki ang suweldo doon," ani Almora.

ADVERTISEMENT

Nagkukulang na rin ng mga health worker sa Philippine General Hospital (PGH), na isa sa mga COVID-19 referral facility sa Metro Manila at ngayo'y may 177 COVID-19 patients na naka-admit.

Bukod sa nagkakasakit ang ibang health worker, pagod na rin ang mga doktor at nurse, sabi ni PGH Spokesperson Jonas del Rosario.

Kaya gumagawa aniya ng paraan ang ospital para matugunan ang kakulangan sa health worker.

"Kinakapos po. Ang ginagawa po ngayon ay nililipat na naman po namin 'yong mga tao namin from the non-COVID part of the hospital, na ilagay sa COVID. So, dina-downscale na naman po namin 'yung non-COVID operations," ani Del Rosario.

Ayon pa kay Del Rosario, nagbukas pa ang PGH ng isang ward para magdagdag ng higit 30 kama para sa COVID-19 patients.

Nag-request naman ang Lung Center of the Philippines ng Quezon City sa Department of Health (DOH) ng emergency augmentation o karagdagang tauhan dahil sa patuloy umanong pagdami ng COVID-19 patients.

Ayon kay Lung Center Spokesperson Norberto Francisco, 30 dagdag na nurses ang hiniling nila sa DOH.

Kumukuha rin aniya ang ospital ng emergency job orders dahil naaawa na sila sa kanilang health workers.

Sa ngayon, higit 90 porsiyentong okupado ang bed capacity ng ospital, at maging ang intensive care unit (ICU) ay puno na rin ng mga pasyenteng may COVID-19.

Sa Marikina, puno na ang COVID-19 beds sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center.

Ayon sa hepe ng ospital na si Dr. Imelda Mateo, bandang alas-10 ng gabi ng Linggo, 70 COVID-19 patients ang naka-admit sa kanila habang 8 pasyente ang naghihintay sa emergency room dahil wala pang bakanteng kama.

Dalawa aniya rito ay kritikal ang lagay at kinakailangan nang ma-intubate.

Ayon kay Mateo, kino-convert na ng ospital ang pasilidad na inilaan para sa health care workers na asymptomatic o may mild na symptoms ng COVID-19.

Puno na rin ang 3 ospital ng lokal na pamahalaan ng Quezon City.

Nasa 112 porsiyento na ang occupancy rate ng ICU ng Quezon City General Hospital habang nasa 78 porsiyento naman ang occupancy rate ng Novaliches District Hospital.

Nasa labas naman na ang ibang hospital beds ng Rosario Maclang Hospital dahil sa dami ng pasyente.

Ilang pribadong ospital na rin ang naglabas ng advisory na puno na sila, tulad ng 2 branch ng St. Luke's Medical Center, Asian Hospital and Medical Center, at Mary Johnston Hospital.

Sa pinakahuling datos ng DOH, umabot na sa 70.3 porsiyento ang utilization rate ng ICU beds sa Metro Manila.

Ang Cordillera Administrative Region naman ang may pinakamataas na occupancy rate ng ICU beds, na 73.6 porsiyento.

Duda sa hirit na reinforcement

Duda naman ang Filipino Nurses United (FNU) sa hirit na reinforcement ng mga ospital dahil ngayon pa lang ay hindi na umano maibigay ang benepisyo at proteksiyon ng mga nurse, kaya paano na lang daw kung dadagdagan pa sila.

Sa panayam ng TeleRadyo, ibinahagi ni FNU National Treasurer Jaymee de Guzman na noong gabi ng Linggo lang ay naubusan ng N-95 masks ang mga nurse sa San Lazaro Hospital, na kailangan nila para makalapit sa mga pasyenteng may COVID-19.

"'Yong proteksiyon namin nga hindi ma-provide, ito kami, paano pa 'yong mga tatawagin niyo? Ano'ng ipang-e-encourage niyo sa kanila para magsilbi?" ani De Guzman.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ayon sa DOH, pinag-aaralan pa kung paano makapagbibigay ng dagdag na tauhan sa mga ospital.

"Pinag-aaralan ngayon ng DOH itong health human resources natin, kung paano makakapagbigay ng augmentation dito sa mga hospital na nababawasan ang mga health care workers because of being infected or 'yong iba naman apparently, nagle-leave at nagre-resign," ani Health Spokesperson Maria Rosario Vergeire.

Mula Pebrero 1 hanggang Marso 21, umabot sa 1,154 health workers ang tinamaan ng COVID-19, kung saan isa ang namatay.

Mga ospital, isolation facility sa Pampanga

Sa Pampanga, na may 917 active COVID-19 cases, halos 70 porsiyento nang puno ang mga ospital at isolation facility dahil sa COVID-19 patients.

"Hindi lang Manila nagkaroon ng surge. Dito rin sa Pampanga... Nasa isolation facilities sila ngayon, sa may Mexico. Kahit ‘yong mga hospital natin, including private, dumami ang case nila ng COVID,” anang provincial health officer na si Dr. Zenon Ponce.

Nauna nang sinabi ng OCTA Research Group na maaaring mapuno ang mga ospital sa Metro Manila sa Holy Week o unang linggo ng Abril kung magtutuloy-tuloy ang kasalukuyang reproduction rate ng sakit na 1.9.

Inihayag na rin ng DOH na pinaghahandaan na nito ang pagtaas ng bilang ng hospital beds para sa COVID-19 cases.

Sa huling tala ng DOH, umabot na sa 663,794 ang kabuuang bilang ng kumpirmadong COVID-19 cases sa bansa, kung saan higit 73,000 ang active cases o hindi pa gumagaling.

– May ulat nina Raphael Bosano, ABS-CBN News at Gracie Rutao

RELATED VIDEO:

Watch more in iWantv or TFC.tv

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.