Higit 400K dumalo sa magdamagang Pista ng Itim na Nazareno, ayon kay Isko | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Higit 400K dumalo sa magdamagang Pista ng Itim na Nazareno, ayon kay Isko

Higit 400K dumalo sa magdamagang Pista ng Itim na Nazareno, ayon kay Isko

ABS-CBN News

 | 

Updated Jan 10, 2021 03:17 AM PHT

Clipboard

Kita sa face shield ng isang deboto ang repleksiyon ng simbahan ng Quiapo sa isang misa na ipinagdiriwang ang Pista ng Itim na Nazareno. George Calvelo, ABS-CBN News

Sa kabila ng banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), hindi natinag ang mga debotong dumagsa sa simbahan ng Quiapo sa Maynila para gunitain ang pista ng Itim na Nazareno Sabado.

Dahil sa banta ng coronavirus, nasa 400 lang ang pinapasok sa simbahan para sa oras-oras na misa. Bunsod nito, maraming namamanata ang nanatili na lang sa mga kalsada at nakimisa sa pamamagitan ng ikinalat na mga speaker at mga LED screen.

Sa tala ng Manila Police District, umabot sa 50,000 ang nagtungo ngayong araw sa Quiapo Church at iba pang simbahang nagdaos din ng mga misa.

Aabot naman sa 400,000 ang dumalo sa magdamagang kapistahan kung isasama ang mga sumama sa iba pang pinagdausan nito simula Biyernes, ayon kay Mayor Francisco ‘Isko' Moreno Domagoso.

ADVERTISEMENT

Tatlumpu’t pito ang naitalang sugatan at apat dito ang kailangang dalhin sa ospital, ayon kay Moreno.

Pagtataya ng alkalde at ni National Capital Region Police Office chief Police Brig. Gen. Vicente Danao, Jr., naging payapa ang pagdiriwang ng kapistahan.

Gayunpaman, may mga pagkakataong hindi nasunod ang physical distancing sa labas ng simbahan, bagay na idinulog ng Department of Health sa lokal na pamahalaan.

“The DOH [is] in close coordination with the LGU of Manila to monitor the situation. The DOH also reiterated its call to devotees to opt for the virtual masses and refrain from physically visiting Quiapo,” pahayag ng ahensiya.

Nauna nang nanawagan ang DOH at iba pang eksperto sa kalusugan na kung maaari'y 'wag nang magtungo ang mga deboto sa Quiapo dahil sa banta ng COVID-19, na mahigpit pa man ding binabantayan dahil sa bago nitong variant.

Aminado naman si Alex Irasga, working committee head ng okasyon, na nahirapang kontrolin ng Manila Police District ang mga deboto sa ilang lugar ngunit nalutas din aniya ito kalaunan. Sa kabuuan, naging disiplinado aniya ang mga deboto.

“Makikita n'yo na ang mga tao ay sumusunod sa social distancing, may face mask, may face shield, may dalang contact tracing form o 'di naman kaya ay may QR code na binibigay, tapos ho ay sumusunod sa mga hijos [del Nazareno] na gawing disiplinado at organisado ang kanilang pagsisimba,” ani Irasga.

Samantala, ang mga debotong hindi nakapunta sa Maynila’y nagpasya pa ring ituloy ang kanilang panata sa pamamagitan ng pagdalo sa mga misa online. Ang iba nama’y nakiisa sa mga misa sa kani-kanilang simbahan, kung saan ilang replika ng Itim na Nazareno ang ipinrusisyon.

Magugunitang hindi itinuloy ang Traslacion ng Itim na Nazareno ngayong taon dahil sa pandemya. Kapalit nito ang mga novena at misang layong mahikayat ang mga debotong 'wag nang magtungo sa Quiapo.

Watch more in iWantv or TFC.tv

-- May ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.