Teo, nag-'soul-searching,' nagbitiw; resignasyon, tanggap na ng Palasyo | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Teo, nag-'soul-searching,' nagbitiw; resignasyon, tanggap na ng Palasyo

Teo, nag-'soul-searching,' nagbitiw; resignasyon, tanggap na ng Palasyo

ABS-CBN News

Clipboard

Kuha sa nagbitiw na si Tourism Secretary Wanda Teo nang dumalo siya sa State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte, Hulyo 24, 2017. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Nagbitiw si Department of Tourism (DOT) Secretary Wanda Teo matapos ang "repleksiyon" at "soul-searching," ayon sa abogado ng kalihim.

Tinanggap na ng Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbibitiw, ani presidential spokesman Harry Roque.

Personal na ibinigay ni Teo ang kaniyang resignation letter kay Executive Secretary Salvador Medialdea bago pa man magsimula ang meeting ng gabinete sa Malacañang nitong Lunes, Mayo 7, batay sa pahayag ni Attty. Ferdinand Topacio na kumakatawan kay Teo.

"Yesterday, before the start of the latest Cabinet meeting in Malacañang Palace, Tourism Secretary Wanda Tulfo-Teo tendered her resignation from the Department of Tourism (DOT). Her letter was personally handed by her to Executive Secretary Salvador Medialdea in the afternoon," saad ng pahayag ni Topacio.

ADVERTISEMENT

Nilinaw din agad ni Topacio na kusang naghain ng kaniyang resignation si Teo at hindi inudyukan ni Duterte.

"We wish to clarify that there was NO demand made on the part of the president for Secretary Teo to resign, and that the decision to do so was purely of her own volition," pahayag ni Topacio.

Muli ring nanindigan ang kampo ng nagbitiw na kalihim na wala siyang ginawang mali sa transaksiyon ng DOT.

"Secretary Teo reiterates that she has done no wrongdoing , and that all the dealings of the DOT went through all legal processes, were above-board and done in good faith, and with total absence of malice," saad sa statement ni Topacio.

PAKIKIPAG-USAP KAY DUTERTE

Bago lumabas ang pahayag ni Topacio, sinabi pa ng abogado sa panayam sa programang "Failon Ngayon" sa DZMM na naging "matiwasay" at walang naging "demand" na pagbibitiw sa pag-uusap nina Teo at Duterte.

"Nakausap ko po si Secretary Wanda kanina pong bandang 5:30 ng umaga at sabi niya na bagama't nag-usap sila ni Pangulo, wala naman daw demand mula kay Pangulo na siya ay mag-resign," ani Topacio.

Ipinaliwanag lang umano ni Duterte kay Teo na may nagaganap na imbestigasyon laban sa kaniya.

"Actually ang description niya ay 'it was cordial' at gano'n lang po. Wala namang sinabing ikaw ay mag-resign... or anything of that manner," sabi ni Topacio.

Nagulat pa aniya si Teo sa kumalat na balitang sinibak siya ng pangulo dahil iilan lamang silang nagpulong kasama si Duterte.

"Nagtataka nga po siya saan nanggaling 'yon sapagkat limitado lamang iyong nandodoon sa kanilang meeting," ayon kay Topacio.

OMBUDSMAN PROBE

Ipinauubaya naman ng Palasyo sa Ombudsman ang pagsisiyasat sa pananagutan ni Teo sa isyu ng P60 milyong halaga ng DOT ads na ibinayad sa media outfit ng Tulfo brothers na mga kapatid ng nagbitiw na kalihim.

"Hinahayaan na po ng Palasyo sa Ombudsman na mag-imbestiga para malaman kung may pananagutang kriminal si Secretary Teo,” ani Roque. "'Yong isyu po ng pananagutang kriminal, siyempre po, lahat po 'yan ay nasa poder ng Ombudsman. Inaasahan po namin ang mabilis at transparent na imbestigasyon ng Ombudsman."

Kinompirma rin ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na nagsasagawa sila ng imbestigasyon kay Teo kaugnay ng kontrobersiya sa DOT ads.

Pumutok ang isyu nang lumabas sa isang report ng Commission on Audit (COA) ang P60 milyong halaga ng advertisements ng DOT na idinaan sa Bitag Media Unlimited, Inc. (BMUI) na pag-aari ng ilan sa Tulfo brothers.

Ayon sa COA, hindi suportado ng mga naaayong dokumento ang naturang ad placements na lumabas sa "Kilos Pronto," isang programang produced ng BMUI, at hino-host ng mga kapatid ni Teo na sina Ben at Erwin Tulfo.

Blocktimer ang naturang programa sa government station na PTV 4.

Ilang beses na itinanggi ni Teo na alam niyang mapupunta sa programa ng mga kapatid ang commercial ng DOT.

"When we made the contract with PTV-4, it was testified that our contract was only between PTV-4 and DOT. Wala pong ibang... ini-specifiy namin do'n," ani Teo noong Mayo 2.

"Tanungin nila ang PTV-4... kasi ang kontrata namin was purely on PTV. Beyond that, dapat ang managot is PTV-4. Kasi wala naman akong sinabing 'you give this, you give that.' Basta kami ang kontrata namin is PTV-4. Kung saan nila ibinigay, wala nang pakialam ang DOT," sabi pa ni Teo sa panayam ng DZMM noong Abril 29.

Pero sa report ng COA sa PTNI, lumalabas na may pinirmahang kasunduan ang DOT at PTNI na sa programang "Kilos Pronto" ng BMUI ni Bienvenido "Ben" Tulfo pinalalagay ang TV spot ng ahensiya.

Saad ng bahagi ng report:

"The MOA on file was between PTNI and DOT, specifically requiring PTNI to air a 6-minute segment buy in PTVs Daily News-type magazine segment, Kilos Pronto, plus a 3-minute DOT spot within the program. There were no provisions for the airtime rates per segment/spot and such other terms and conditions of the commercial advertisement specifically as regards the manner of payment."

Bago nito, sinabi ni Teo na naniniwala siyang pinalutang ang isyu sa commercial ads ng ilang apektado ng pagsasara ng Boracay at iba pang nakabangga ng magkakapatid na Tulfo.

Bukod kay Teo, sinabi ng Palasyo na iniimbestigahan din si Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar ukol sa ads dahil nasa ilalim ng PCOO ang People's Television Network Inc. (PTNI) o ang PTV-4 kung saan umere ang commercials.

Nito rin lang Lunes, sinabi ng mga Tulfo na isasauli ng BMUI ang P60 milyong kinita sa pag-ere sa programa nito sa PTV ng commercials ng DOT.

Gayunman, nilinaw ng Palasyo na tuloy ang pagsisiyasat kahit ibalik ang naturang halaga.

"'Yong 60 million [pesos] is a good gesture pero sa batas po it will not completely exonerate kung mayroon man nalabag, pero siyempre po, mayroon pang imbestigasyon na nangyari," ani Roque.

-- Ulat nina RG Cruz, Adrian Ayalin, at Pia Gutierrez, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.