KBYN: Estudyante na, taho vendor pa | ABS-CBN

ABS-CBN Ball 2025:
|

ADVERTISEMENT

ABS-CBN Ball 2025:
|
dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

KBYN: Estudyante na, taho vendor pa

KBYN: Estudyante na, taho vendor pa

ABS-CBN News

Clipboard

iWantTFC

Watch more on iWantTFC.com. Watch hundreds of Pinoy shows, movies, live sports and news.

Watch more on iWantTFC.com. Watch hundreds of Pinoy shows, movies, live sports and news.

Pinagsasabay ng 16 taong gulang na si Gurprit Singh o mas kilala sa tawag na 'Gopi' ang kaniyang pagpasok sa eskuwelahan at ang pagbebenta ng taho sa Tanza, Cavite.

Isa't kalahating kilometro ang nilalakad ni Singh mula sa kaniyang tahanan patungong eskuwelahan pasan ang timba ng taho at ang bag laman ang kaniyang mga gamit sa pag-aaral.

"May tatlong buwan ko na pong ginagawa 'yung pagtitinda ng taho bago ako pumasok at pagkatapos ng klase ko. Mahirap po lalo na noong una, hindi ko pa kabisado, hindi ko akalain na ganoon pala siya kabigat, kasi noong una pinapuno ko akala ko kaya ko buhatin, buti kasama ko si Mama pero bandang huli pinabawasan ko na lang 'yung laman, pinabalik ko yung kalahati kasi mabigat talaga," pagbabahagi ni Singh sa KBYN.

Hiwalay na ang kaniyang mga magulang.

ADVERTISEMENT

Sila na lang ng kaniyang ina ang magkasama sa kanilang tahanan.

Regular noon na nakapagbibigay ng panggastos ang kaniyang ama na isang Indian national pero nang malugi ang negosyo nitong pautang dahil sa pandemya, lagi nang kapos ang naipadadalang pera sa kanila.

"Nang dumating 'yung time na lagi na kaming kinakapos, 'yung mga alahas ni Mama naibenta na niya halos lahat, sabi ko paano na kami ni Mama sa mga susunod na mga araw? Kaya sabi ko kailangan kong gumawa ng paraan, nag-apply ako na service crew sa fast food pero hindi ako matanggap kasi nga minor ako at kulang ang credentials ko," ani Singh.

Bagamat kumikita na, hindi hinahayaan ni Singh na mapabayaan niya ang kaniyang pag-aaral.

Katunayan, mataas ang mga gradong nakukuha niya at consistent honor student pa.

"Last sem po ang average ko overall ay 95. Siguro po namomotivate ako kay Mama. Kapag naiisip ko si Mama, iniisip ko na kaya ko gawin lahat ito, para sa amin. Si Papa proud naman siya sa akin, nagsosorry nga siya, sinasabi niya na pasensiya na anak kapag nakabalik 'yung negosyo daw niya babawi siya, babalik daw 'yung dati na hindi ko na kailangang gawin 'yung ginagawa ko ngayon.," kuwento ni Singh.

Kahit na naaawa sa anak, nangingibabaw naman sa ina ni Singh ang tuwa at paghanga nito sa kaniya dahil sa ipinamamalas nitong tatag at sipag sa buhay.

"Sobrang suwerte ko sa anak ko kasi nakikita ko na talagang nagpupursige siya para sa amin, pinagmamalasakitan niya ako kaya niya ginagawa nang lahat ng ito ngayon. Naaawa ako kasi kailangan niyang gawin na maghanapbuhay hindi tulad ng ibang bata na tutok lang sa pag-aaral pero masaya ako kasi alam ko magiging matagumpay siya sa buhay at alam ko na mahal na mahal niya ako," pagbabahagi naman ng ina ni Gopi na si Gng. Clarita Singh.

Dahil nagviral sa social media ang video ni Singh na naglalako ng taho habang papasok sa eskuwelahan, marami sa mga kababayan natin ang naantig sa kaniyang dedikasyon at nagpaabot ng tulong sa kaniya.

Isang non-government organization o NGO ang nag-abot ng tulong para sa kaniyang paglalako, mga gamit at financia assistance para sa kaniyang pag-aaral.

"Maraming maraming salamat po, sobrang laking tulong po nito sa amin ni Mama. Hayaan niyo po, asahan niyo na paghuhusayan ko pa po ang pag-aaral ko, mas pagbubutihan ko pa po 'yung ginagawa ko, malaking bagay po ito sa amin. Maraming salamat po talaga," ani Singh.


RELATED LINKS:

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.