Ilang barangay sa Noveleta, Cavite, hindi pa rin mapasok dahil sa makapal na putik | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Ilang barangay sa Noveleta, Cavite, hindi pa rin mapasok dahil sa makapal na putik

Ilang barangay sa Noveleta, Cavite, hindi pa rin mapasok dahil sa makapal na putik

Lady Vicencio,

ABS-CBN News

 | 

Updated Oct 31, 2022 07:18 PM PHT

Clipboard

Nililinis ng mga residente ang kanilang mga bahay na naapektuhan ng pagbahang dulot ng bagyong Paeng sa Noveleta, Cavite, Oktubre 31, 2022. Jonathan Cellona, ABS-CBN News
Nililinis ng mga residente ang kanilang mga bahay na naapektuhan ng pagbahang dulot ng bagyong Paeng sa Noveleta, Cavite, Oktubre 31, 2022. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

MAYNILA — Nag-iwan ng makapal na putik ang bahang dulot ng Bagyong Paeng sa ilang barangay sa Noveleta, Cavite.

Hanggang ngayon, wala pang mga sasakyang nakapapasok sa ilang parte ng Barangay San Jose 1 dahil sa hinahakot na putik ng mga residente.

Humupa na nitong Linggo ang baha sa 10 barangay kaya nagsimula na ring maglinis ang mga residente ng kanilang mga bahay.

Sa Barangay San Jose 1, umabot ng higit 4 na talampakan ang taas ng baha.

ADVERTISEMENT

Walang nasalbang mga gamit ang mga residente.

Pati ang sari-sari store na tanging hanapbuhay ni Susan Esguerra, nasira lang ng baha ang mga paninda na higit P20,000 ang halaga.

“Siyempre naiiyak, ito ang income namin. May pinag-aaral pa ako,” ayon kay Esguerra.

Nalubog sa baha ang nasa P20,000 halaga ng paninda sa isang tindahan sa Noveleta. Lady Vicencio, ABS-CBN News
Nalubog sa baha ang nasa P20,000 halaga ng paninda sa isang tindahan sa Noveleta. Lady Vicencio, ABS-CBN News

Nasira rin ang pader ng bahay nila Perry June Anselmo dahil bukod sa ragasa ng baha, nabangga pa ng inanod na van ang kanilang tahanan.

“Lakas na ng tubig, ng impact. Inanod 'yong 2 van, dito bumalandra sa bahay ko. ‘Yong bulusok ng tubig doon na tumama sa amin,” ayon kay Anselmo.

Ayon sa Noveleta Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, bumigay ang river wall sa Ylang-Ylang River kaya rumagasa ang tubig sa mga barangay.

Sinabi ni MDRRMO chief Jigs Alix na nasa critical level noon ang lebel ng tubig sa ilog at hindi pa sana kailangan ng forced evacuation.

Ayon sa residenteng si Louie Mark Peñalba, mabilis na tumaas ang tubig sa loob lang ng 15 minuto.

“Pagdating ng bandang 6 p.m., unti-unting tumataas, 15 minutes lang umabot na ng dibdib. Sobrang bilis ng pangyayari. Walang nakapag-prepare. Ang ginawang evacuation, kung sino na lang may taas. Naisip ko na lang, iligtas mo ang sarili mo. Gamit mo hayaan mo na,” ayon kay Peñalba.

Watch more News on iWantTFC

Dalawa naman ang naiulat na patay sa Noveleta dahil sa Bagyong Paeng.

Wala pa ring suplay ng kuryente sa ngayon sa ilang barangay sa bayan.

May suplay na ng tubig pero humihingi ngayon ang mga residente ng malinis na tubig na maiinom at pagkain.

Ilang mga mangangalakal naman ang nanghuhuli ng isdang tilapia na inanod mula sa ilog para ipang-ulam ng pamilya.

Watch more News on iWantTFC

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.