WHO: Delta variant 'dominant' na sa Pilipinas | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

WHO: Delta variant 'dominant' na sa Pilipinas

WHO: Delta variant 'dominant' na sa Pilipinas

ABS-CBN News

 | 

Updated Aug 31, 2021 07:47 PM PHT

Clipboard

Nagsasagawa ng COVID-19 swab test sa mga residente ng Barangay Old Balara, Quezon City noong Mayo 31, 2021. Mark Demayo, ABS-CBN News
Nagsasagawa ng COVID-19 swab test sa mga residente ng Barangay Old Balara, Quezon City noong Mayo 31, 2021. Mark Demayo, ABS-CBN News

(UPDATE) Kumpirmado nang karamihan ng mga kaso ng COVID-19 sa Pilipinas ngayon ay ang mas nakahahawang Delta variant.

Sinabi ngayong Martes ng World Health Organization (WHO) na Delta na ang pinaka-dominant na variant sa bansa.

Ayon kay WHO Country Representative Dr. Rabindra Abeyasinghe, higit 70 porsiyento ng hawahan ng kaso ng COVID-19 sa Pilipinas ay maiuugnay sa naturang variant.

Mayroon na ring community transmission o pagkalat sa mga komunidad ng Delta variant, ayon kay Abeyasinghe.

ADVERTISEMENT

"Most certainly... With this kind of transmission, with this kind of numbers, we are in community transmission," aniya.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Hindi na umano nakakagulat ang nararanasan ng Pilipinas.

"This is not entirely surprising. We know that the Delta variant because of its higher transmissibility, will replace the... other variants of concern," sabi ni Abeyasinghe.

Nauna nang sinabi ni infectious disease specialist na si Dr. Rontgene Solante na posibleng kalat ang Delta variant sa buong Pilipinas dahil na rin sa mga nakikitang hawahan ng COVID-19 sa mga magkakapamilya o magkakasama sa tahanan.

Sa pinakahuling ulat ng Philippine Genome Center, pumalo na sa 1,789 ang kabuuang bilang ng mga kaso ng Delta variant sa Pilipinas.

Ito'y sa harap ng limitadong kapasidad ng pasilidad para tingnan kung anong variant ang nasa COVID-19 samples.

Sa kabuuan, pumalo na sa 1.9 milyon ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas matapos makapagtala ang Department of Health (DOH) noong Lunes ng record-high na 22,366 bagong kaso.

30K kaso kada araw

Nagbabala naman ang University of the Philippines (UP) COVID-19 Response Team na aabot sa 30,000 ang arawang kaso ng COVID-19 sa Setyembre.

Ayon kay Prof. Jomar Rabajante, sa mga ginawang simulation ng kanilang team, lumabas na maliit ang tsansang bumaba ang COVID-19 cases dahil sa mga nagdaang intervention.

Posibleng sa katapusan ng Setyembre o Oktubre pa lang mag-peak ang mga kaso ng COVID-19 saka bababa.

Lumabas aniya sa pag-aaral ng UP COVID-19 Pandemic Response Team na hindi tulad ng mga dating lockdown, patuloy ngayon ang pagkilos ng tao kahit naka-enhanced community quarantine ang kanilang lugar.

Ayon pa sa grupo, maaaring pumalo sa hanggang 4 milyon ang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas bago matapos ang 2021.

Iginiit naman ni Rabajante na nakakatulong ang pagbabakuna laban sa pagdami ng kaso at nakikita ito sa hospitalization rate sa National Capital Region.

Kaya mainam aniyang tutukan ng gobyerno ang mas mabilis na pagdating ng supply ng COVID-19 vaccines.

Nagpaalala rin si Rabajante na kailangang agapan ang pagdami ng COVID-19 cases ngayong may mga papasok na bagyo at Kapaskuhan, kung kailan marami ang nagsasama-sama.

Hard lockdown

Watch more in iWantv or TFC.tv

Inirekomenda naman ng OCTA Research Group ang 3 linggong hard lockdown kasunod ng pagtala ng higit 22,000 COVID-19 cases noong Lunes.

Pero tila malamig ang DOH sa naturang panukala dahil lumalabas umano sa pag-aaral na hindi ito epektibo.

Sa halip, tututukan na lang ang mga granular lockdown sa mga lokal na pamahalaan na mas mabisa umano para makontrol ang galaw ng tao at hawahan ng sakit.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ipapaapruba pa nila sa Inter-Agency Task Force ang panukalang pagtutok sa granular lockdowns.

"Atin pong tinitingnan ang proposed policy shift ng ating data analytics kung saan we will not have these hard lockdowns but instead we will implement granular lockdown among our local governments," sabi ni Vergeire.

Umapela rin si Vergeire sa publiko na huwag mag-panic kasunod ng pagkakatala ng 22,000 bagong kaso sa loob ng isan araw.

"If we panic, hindi na natin maintindihan kung ano ang [gagawin] natin, lalo ho tayong magkakasakit," ani Vergeire.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sa katunayan, posibleng bago mag-Biyernes ay sumampa na sa 2 milyon ang COVID-19 cases sa bansa, ani Vergeire.

Nagpaalala rin ang opisyal sa patuloy na pagsunod sa health protocols at pagpapabakuna.

Mensahe rin ni Vergeire sa mga nagpapaturok na ng kanilang ikatlong dose: "Sana isipin niyo, 'yong bakunang itinurok sa inyo na pangatlong beses niyong nakuha, ninakaw niyo ang bakuna para sa ibang tao."

Ipinaliwanag ni Vergeire na darating talaga ang panahon na kakailanganin ng tao ng ikatlong dose o booster shot.

Pero hindi muna aniya dapat magmadali dahil kapag dumating ang panahon para sa booster shot at may sapat na supply, mabibigyan naman ang publiko.

— May ulat nina Katrina Domingo, Raphael Bosano at Zandro Ochona, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.