PatrolPH

Delta variant posibleng di lang sa NCR, Calabarzon laganap: eksperto

ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2021 06:03 PM | Updated as of Aug 30 2021 08:11 PM

Watch more on iWantTFC

(UPDATE) Sa patuloy na pagdami ng mga nade-detect na samples ng mas nakahahawang Delta variant, naniniwala ang isang eksperto na posibleng marami na ring kaso nito sa ibang panig ng bansa at hindi lang sa National Capital Region (NCR) at Calabarzon.

Nauna nang sinabi ng Department of Health (DOH) na nakitaan nito ng posibleng community transmission ng Delta variant ang NCR at Calabarzon.

Pero ayon sa infectious disease specialist na si Dr. Rontgene Solante, maaaring kumakalat na ang variant sa buong bansa dahil na rin sa nakikitang hawahan ng magkakapamilya o magkakasama sa tahanan.

"The secondary attack of households sa Delta is really high compared to the non-household attack... Ang hinala ko rito, Delta is already nationwide," ani Solante.

Sa pinakahuling batch na inilabas ng Philippine Genome Center, mula sa 748 samples na isinailalim sa sequencing, lumalabas na 516 ang Delta variant para sa kabuuang 1,789.

Lumalabas na halos 7 sa bawat 10 sample ng mga taong na-sequence ay Delta variant ang dahilan ng pagkakasakit.

Bukod sa hawahan dahil sa Delta variant, umabot na rin sa 27.9 porsiyento ang positivity rate ng Pilipinas, malayo sa benchmark ng World Health Organization na 5 porsiyento.

Isa sa nakikitang dahilan kung bakit marami pa ring nagpopositibo ay dahil tinatago ng iba ang kanilang nararamdaman.

May iba rin kasi na magpapakonsulta na lang kapag malala na ang sintomas.

Dahil dito, ipinayo ng mga doktor ang "health-seeking behavior" para oras na makaramdam ng sintomas, maabisuhan na sa mga dapat gawin.

Mahalaga ring pataasin ang bilang ng mga nate-test para sa COVID-19, bagay na ayon kay Solante ay iniiwasan ng ilan dahil sa kaakibat na gastos.

"If they will offer the [COVID-19] test for free, I think that will be very important. Malaking bagay kung maibibigay ng gobyerno nang libre ang test," ani Solante.

Mga bagong kaso, record-high ulit

Ngayong Lunes, naitala ng DOH ang higit 22,000 bagong kaso ng COVID-19, ang pinakamataas na naitalang bilang ng mga bagong kaso sa 1 araw mula nang mag-umpisa ang pandemya.

Ayon sa DOH, 22,366 ang dagdag na kaso para sa kabuuang 1,976,202, kung saan 148,594 ang active cases o may sakit pa rin. 

Nakapagtala rin ang kagawaran ngayong Lunes ng 222 bagong nasawi sa sakit para sa kabuuang 33,330.

Mayroon din naman umanong 16,864 bagong gumaling sa sakit para sa 1,794,278 total recoveries, ayon sa DOH.

— May ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.