'Tinawag namin lahat ng santo': Ina ng kampeon sa shot put, nangutang ng pamasahe para sa Palaro | ABS-CBN

Featured:
|

ADVERTISEMENT

Featured:
|
dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

'Tinawag namin lahat ng santo': Ina ng kampeon sa shot put, nangutang ng pamasahe para sa Palaro

'Tinawag namin lahat ng santo': Ina ng kampeon sa shot put, nangutang ng pamasahe para sa Palaro

Karl Cedrick Basco,

ABS-CBN News

 | 

Updated Apr 20, 2018 10:36 PM PHT

Clipboard

Hindi napigilang mapaluha ni Rashied Faith Burdeos habang yakap ng inang si Linell at kapatid matapos masungkit ang gintong medalya sa shot put event ng elementary girls sa Palarong Pambansa 2018 sa Ilocos Sur. Mark Demayo, ABS-CBN News

VIGAN, Ilocos Sur - Hindi nasayang ang pangungutang ni Linell Burdeos ng pamasahe makarating lang sa Ilocos Sur upang mapanood at masuportahan ang nangangarap niyang anak na si Rashied Faith.

Sa katirikan ng araw sa University of Northern Philippines sa Vigan City, hindi mapakali ang single mother na si Linell sa kanyang upuan habang pinapanood ang anak na umaasang makakapag-uwi ng medalya sa shot put elementary girls.

Bigo si Linell na mapanood ang kanyang anak sa una nitong sabak sa Palarong Pambansa noong nakaraang taon sa Antique. Bigo rin si Rashied na mag-uwi ng medalya matapos pumuwesto lamang bilang ikawalo sa kompetisyon.

"Masyadong malayo 'yung sa Antique, wala kaming pang pamasahe," kuwento ni Linell sa ABS-CBN News. "Pinangutang lang namin 'yung pamasahe namin papunta dito sa Ilocos."

ADVERTISEMENT

May online business lamang ito na tanging pinagkukunan niya ng panggastos sa dalawang anak. Nagbebenta siya ng mga damit, bag at kung ano pa para maitaguyod mag-isa ang pamilya.

Matapos ang ikalimang bato, nakuha ni Rashied ang abante sa laban sa kanyang 9.71 meters na itinala. Ngunit, binura ito ng katunggaling mula sa Western Visayas na nagsumite ng 10.11 meters na layo.

"Tinawag namin lahat ng santo," pahayag ng ina ni Rashied. "Dream kasi talaga niya 'yan," dagdag ni Linell. Hindi rin aniya nasubaybayan ng husto ang laban dahil panay ang kaniyang yuko at dasal na manalo ang anak.

At tila narinig ng lahat ng santo ang kanyang panalangin. Sa huling bato ni Rashied, naglista ito ng 10.13 meters na layo, 0.02 lamang kontra sa nangungunang kalaban. Sapat na iyon upang iuwi ng mag-ina ang gintong medalya sa 2018 Palarong Pambansa.

Hindi napigilan ni Rashied na maiyak habang papabalik sa kaniyang ina at nakababatang kapatid.

ADVERTISEMENT

"Hindi ako nag-expect na mananalo," ani Rashied na nagsimulang mag-ensayo para sa patimpalak noon pa lamang Nobyembre. "Nagdadasal lang po talaga ako."

Kuwento ng 12-anyos na Grade 6 student ng North Central Elementary School sa Tuguegarao, hiniling niya bagong magsimula ang laban sa Diyos na panalunin siya. Akala niya noong una, nasagot ang kanyang dasal.

"Kanina nung nag-10.11 'yung taga Western Visayas, sabi ko 'Lord, bakit ganoon? Pinapatalo mo naman ako," salaysay ni Rashied. Nagpatuloy siya sa pagdarasal. "Sabi niya, hintayin mo lang, mananalo ka. Tapos nanalo nga ako."

Nagsimulang sumali sa shot put contest si Rashied noong siya ay Grade 5 nang madiskubre siya ng kanyang kasalukuyang coach noong kanilang intramurals sa paaralan.

Nagtuloy-tuloy ang kanyang paghusay sa isport at tuluyang nakapasok sa Palarong Pambansa 2017. Siya rin ang nagdedepensang kampeon sa Cagayan Valley Region.

ADVERTISEMENT

Nakatakdang sumabak muli sa field si Rashied, na nais maging sundalo sa hinaharap, sa discuss throw event sa UNP.

Pumunta ang mag-ina sa Ilocos dala ang pinangutang na pamasahe at pangarap na manalo sa Palaro, sa susunod na araw, uuwi silang bitbit ang gintong medalya ng kompetisyon.

Para sa iba pang balitang pampalakasan, pumunta sa website ng ABS-CBN Sports.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.