Pagkamatay ng batang may lupus, isinisi sa Dengvaxia | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Pagkamatay ng batang may lupus, isinisi sa Dengvaxia

Pagkamatay ng batang may lupus, isinisi sa Dengvaxia

ABS-CBN News

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

Isinisisi ng mga magulang at kaanak ng 10 taong gulang na estudyante sa Quezon City ang pagkamatay nito sa naiturok na Dengvaxia.

Ayon sa mga magulang ng grade five student na si Anjielica Pestilos, biglaan ang pagbagsak ng katawan ng kanilang anak mula nang maturukan ng Dengvaxia nito lang Setyembre.

“Hindi po katanggap-tanggap talaga sapagkat siya po ay namatay nang dahil po rito sa dengue vaccine na ’to. Kasi wala po talaga siyang kasakit-sakit tapos makalipas ng September, ma-injection-an po, siya ay unti-unti nang nanghina,” kuwento ni Ramil Pestilos, ama ng bata.

“Ang kaniya pong paa nagmanas po, tapos higit sa lahat nilalagnat po, naglagas ang kaniyang buhok hanggang manakit po ang dibdib, iniinda niya na po ‘yung sakit ng kaniyang sikmura,” dagdag pa ni Ramil.

ADVERTISEMENT

Sa mga retrato ni Anjielica sa ospital, kita ang mga pantal at pamamaga ng kaniyang mukha at katawan at paglobo ng tiyan. Higit tatlong linggo siyang na-confine sa ospital.

“Sana mabigyan siya ng katarungan. Kung hindi dahil sa dengue vaccine na ‘yan, di sana... ang anak ko na mamamatay,” naiiyak na sabi ni Lisa Pestilos, ina ni Anjielica.

“Kung hindi dahil sa Dengvaxia na ‘yan hindi siya magkakasakit na ganito kagrabe. Buhay ang naging kapalit,” ayon naman kay Helen Reyes, tiyahin ni Anjielica.

Batay sa death certificate ni Anjielica, intractable metabolic acidosis secondary to systemic lupus erythematosus ang sanhi ng kaniyang pagkamatay.

Ibig sabihin naging acidic ang katawan at dugo kaya naapektuhan ang body functions gaya ng paghinga.

Sa lupus naman, nag-malfunction ang immune system ng katawan, dahilan para atakihin ng sariling antibodies ang katawan.

Nagkaroon din siya ng kidney failure dahil sa lupus nephritis.

Ayon sa independent health advocate na si Dr. Tony Leachon, maaaring nakaapekto ang Dengvaxia kay Anjielica.

“Ang tingin ko seronegative siya, na-expose siya sa dengue tapos meron palang nakatago siyang sakit na lupus, humina ang resistensiya niya so naka-aggravate ang pagbakuna dito sa immune response niya. ‘Yun ang sanhi na ikinamatay niya,” paliwanag ni Leachon.

SEVERE DENGUE

Nanindigan ang Department of Health (DOH) na walang kinalaman sa pagkamatay ni Anjielica ang naibakuna sa kaniyang Dengvaxia.

“There is no indication or any clinical symptoms that point out to dengue infection dito sa case na ito. As far as I know there is no such report na nagti-trigger ang vaccination ng lupus or lupus-like reaction,” ayon kay Undersecretary Herminigildo Valle.

Lumapit na ang magulang ni Anjielica sa Public Attorney's Office (PAO) para magsampa ng mga kasong kriminal, sibil at administratibo laban sa mga dapat managot sa pagkamatay ng bata.

Hindi man nakalagay sa death certificate ni Anjielica, kumbinsido rin ang forensic expert ng PAO na bukod sa lupus ay severe dengue din ang ikinamatay ng bata batay sa nakasaad sa kaniyang clinical abstract.

“Mababa ang platelet, mababa ang WBC, may bleeding, may sign of edema o pamamaga ng katawan, nakita natin may rashes sa pictures, manifestations ito ng severe dengue,” ayon kay Dr. Erwin Erfe, director ng PAO Forensic Laboratory Services.

Dagdag pa ni Erfe, hindi dapat naturukan si Anjielica ng Dengvaxia dahil mayroon pala siyang lupus at naiwasan sana ito kung nasuri muna siya ng doktor bago napasama sa isang mass vaccination.

“Kung mass vaccination na wala man lang examination ng doktor, nakakatakot ‘yun dahil mayro’n kang tatamaan diyan, mabibigyan ng vaccine na maaaring may sakit, mahina ang resistensiya na di mo alam kasi wala ngang physician-patient relationship,” ayon kay Erfe.

Magsasampa rin ng kaso sa tulong ng PAO ang taga-Bataan na si Nelson de Guzman matapos na mamatay din ang anak na nabukanahan ng Dengvaxia noong Abril.

Batay sa death certificate ng 10 taong gulang na si Christine, severe dengue ang kaniyang ikinamatay.

Nauna nang sinabu ng Sanofi Pasteur na may benepisyo laban sa dengue ang vaccine para sa mga taong nagkaroon na ng dengue fever pero maaaring makasama ito kung itinurok sa mga taong hindi pa nagkakaroon ng naturang sakit.

"Dengvaxia provides persistent protective benefits against dengue fever in those who had prior infection. For those not previously infected by dengue virus, however… more cases of severe disease could occur following vaccination upon a subsequent dengue infection," nakasaad sa pahayag ng Sanofi Pasteur.

Dengvxia, isang "scam"?

Sa pahayag ng Sanofi Pasteur, ikinalulungkot nila ang pagkamatay ng mga bata at nakikisimpatya sila sa mga naiwang pamilya.

Iginiit nila na wala pang naitatalang namatay sa kanilang dengue vaccine kahit sa 40,000 na sumailalim sa clinical trial sa 15 bansa.

Sa kabila naman ng mga nagrereklamo, nais pa rin ng DOH na mapawi ang pangamba ng publiko.

“Although may mga incident reported nagkaroon ng adverse reactions before two years pero wala pa talaga namatay or any death attributed directly sa dengue vaccination,” ayon kay Valle.

Iniimbestigahan na ng Department of Health (DOH) ang tatlong bata sa Davao na sinasabing nabakunahan ng Dengvaxia vaccine.

Pero ayon sa ilang eksperto, isang “scam” ang Dengvaxia.

“Ito ay tingin ko the greatest medical scam in the history of DOH, nagkulang tayo sa pag-aruga at pag-protect doon sa safety ng mga pasyente,” ani Leachon.

Pero nanindigan ang DOH sa kanilang posisyon lalo’t wala pa namang inilalabas na resulta ng pagsusuri ng World Health Organization tungkol sa Dengvaxia.

“I will beg to disagree with all due respect that this is greatest scam. Wala tayong basis to say there's investigation ongoing and let us avoid making statements na unfounded o walang solid basis,” ayon kay Valle.

Hamon naman ng kampo ng Dengvaxia victims kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, atasan na ang National Bureau of Investigation na samsamin ang lahat ng mga dokumento ng DOH na may kinalaman sa Dengvaxia.

-- Ulat ni Dominic Almelor, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.