PH ambassador, in-expel ng Kuwait; envoy ng Kuwait sa Pinas, pinauuwi | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

PH ambassador, in-expel ng Kuwait; envoy ng Kuwait sa Pinas, pinauuwi

PH ambassador, in-expel ng Kuwait; envoy ng Kuwait sa Pinas, pinauuwi

ABS-CBN News

 | 

Updated Apr 26, 2018 01:12 AM PHT

Clipboard

Pinalalayas na ng gobyerno ng Kuwait ang Philippine ambassador doon matapos ireklamo ang pagsaklolo ng mga tauhan ng embahada ng Pilipinas sa mga nagpapa-rescue na overseas Filipino worker (OFW).

Kinumpirma nitong Miyerkoles ni Philippine Ambassador to Kuwait Renato Villa sa ABS-CBN News ang pag-expel sa kaniya ng Kuwaiti Foreign Ministry.

Tumangging magbigay ng paliwanag at iba pang detalye si Villa at sinabing Department of Foreign Affairs (DFA) na ang bahalang maglabas ng pahayag sa isyu.

Una nang iniulat ng state news agency ng Kuwait na KUNA ang pag-expel kay Villa, na idineklarang "persona non grata" at kinakailangang lumisan mula Kuwait sa loob ng isang linggo.

ADVERTISEMENT

Pinababalik na rin ang envoy ng Kuwait na nasa Pilipinas ngayon, ayon sa ulat ng KUNA.

Nag-ugat ang isyu sa lumabas na video nitong weekend kung kailan sinabi umano ni Villa na hindi kailangan ang tulong ng mga awtoridad sa Kuwait para saklolohan ang mga di dokumentadong Pinoy.

Tampok sa nag-viral na video ang pag-rescue ng ilang opisyal ng embahada sa mga Pinoy na household service workers (HSW).

Sinubukan ng ABS-CBN News na kuhanan ng pahayag ang DFA pero wala pa itong sagot.

Nauna nang ipaliwanag ni Villa na nais lang ng embahada na tumulong sa mga naaabusong OFW sa Kuwait sakaling mabigo ang mga awtoridad doon na rumesponde sa loob ng 24 oras.

Humingi na rin siya ng paumanhin hinggil dito.

Nito lang Martes, nag-sorry rin si DFA Secretary Alan Peter Cayetano kaugnay sa rescue video na ikinagalit ng ilang Kuwaiti.

Anang kalihim, karaniwang nakikipag-ugnayan ang embahada ng Pilipinas sa pagsaklolo sa mga OFW, maliban sa mga panahong nakataya na ang buhay ng Pinoy na nagpapa-rescue.

"We apologize to the Kuwaiti government, the Kuwaiti people and the leaders of Kuwait if they were offended by some actions taken by the Philippine Embassy... it was all done in the spirit of emergency action to protect Filipinos," ani Cayetano.

Nauna pang sinabi sinabi ng Malacañang na sa kabila ng kontrobersiya, nakatakda pa ring pirmahan ng Pilipinas at Kuwait ang kasunduan ukol sa pagtitiyak ng kapakanan ng mga ipadadalang OFW sa Kuwait.

"I don’t think it was ever in danger. I think both states have invested time, resources, effort, and I think both are serious in signing this MOU," ani presidential spokesperson Harry Roque.

Sinabi pa ni Cayetano na maaaring pirmahan ang kasunduan bago ang Ramadan sa Mayo 16.

"Both sides hope that it can be signed before Ramadan (umaasa ang parehong panig na mapipirmahan ang kasunduan bago ang Ramadan)," ani Cayetano.

Pebrero nang ipagbawal ang pagpapadala sa mga bagong hire na OFW papuntang Kuwait sa gitna ng mga report ng pang-aabuso sa mga Pinoy HSW.

Kasabay nito, nagimbal ang bayan sa sinapit ng Pinay na si Joanna Demafelis na natagpuan sa loob ng isang freezer sa Kuwait.

Hinihinalang isang taon nang patay si Demafelis nang matagpuan ang kaniyang bangkay.

Kalauna'y nahuli ng mga awtoridad ang mag-asawang Lebanese at Syrian na employer ni Demafelis at mga suspek sa pagkamatay ng OFW.

Sa unang pagdinig ng kanilang kaso, sinentensiyahan agad ang mag-asawa ng bitay.

Isa ang hustisya para kay Demafelis sa mga kondisyon noon ng Pilipinas bago ikonsidera ang partial lifting ng total deployment ban ng mga OFW sa Kuwait.

-- May ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.