4 patay matapos uminom ng lambanog sa Laguna
ABS-CBN News
Posted at Dec 06 2018 11:21 AM | Updated as of Aug 25 2019 04:35 PM
Patay ang 4 na lalaki matapos uminom ng lambanog sa Sta. Rosa, Laguna, ayon sa isang barangay official ngayong Huwebes.
Nag-inuman ang mga biktima sa Barangay Pooc nitong Sabado at nakaramdan kinabukasan ng pananakit ng tiyan, dahilan para isugod sila sa ospital, kung saan sila magkakasunod na namatay, ayon kay Jimmy Digamon, hepe ng mga barangay tanod.
Nakaligtas naman aniya ang isang kasamahan ng mga biktima at kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.
"May isang nabuhay. Sabi niya talagang lagi naman silang nag-iinom, iyun lang, talagang natiyempuhan," ani Digamon sa panayam ng DZMM.
Galing aniya sa katabing lalawigan ng Quezon ang lambanog na binili ng mga biktima sa isang tindahan.
Kumuha na ng sample ang pulisya ng naturang alak para masuri ito, dagdag ni Digamon.
Iniimbestigahan din ng Food and Drug Administration kung nakarehistro sa gobyerno ang produkto at kung may lisensya ang nagbenta nito, sabi ni Health Undersecretary Eric Domingo sa isang text message sa ABS-CBN News.
"We advise the public to refrain from buying and consuming unregistered products," dagdag niya.
Sa hiwalay na insidente, namatay rin ang 4 na tricycle driver sa Novaliches, Quezon City nitong weekend matapos umanong malason din ng ininom na lambanog.
Kritikal pa rin ang lagay ang 2 nilang kasamahan ngayong Huwebes, samantalang inoobserbahan ang 14 iba pa.
DZMM, 6 Disyembre 2018
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
DZMM, tagalog news, health, regions, food poisoning, Sta Rosa Laguna, Novaliches Quezon City