4 tricycle driver patay matapos ang inuman; lambanog sinisi

ABS-CBN News

Posted at Dec 04 2018 06:40 PM | Updated as of Dec 04 2018 09:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Patay ang apat na tricycle driver habang inoobserbahan pa ang 8 iba nang malason umano sa ininom na lambanog sa barangay San Pascual, Novaliches, Quezon City noong long weekend. 

Kinilala ang mga namatay na sina Dennis Cuadra, Crispulo Mateo, Alvin Reyes, at Delfin Bayangos. Kritikal naman ang kondisyon ng kapatid ni Cuadra na si Alfredo. 

Ani Quezon City Police Station 4 commander Superintendent Rossel Cejas, nag-inuman umano mula Biyernes hanggang Linggo sa bahay ni Romulo Mateo ang mga tricycle driver at pinagsaluhan ang 6 litrong lambanog na binili nila. Pagdating ng Linggo, nakAramdam na ang ilan ng pananakit ng tiyan at pagsusuka. 

Nakausap pa ng ABS-CBN News si Crispulo, na nagsabing nakaramdam pa siya ng sintomas bago isugod sa Novaliches District Hospital kung saan binawian ito ng buhay. 

Ayon sa autopsy report, cardiopulmonary arrest ang ikinamatay ng mga naunang pumanaw. 

Ayon sa doktor na si Arnel Santos, maayos pa ang kalagayan ng mga namatay noong una silang sinailalim sa mga medical test ngunit kinalaunan, lumala ang kanilang kondisyon. 

Sabi ng barangay chairman na si Lamberto Pascual, posibleng sa lambanog nalason ang mga tricycle driver. 

"Parang 'yung alak lang naging source. Kung na-food poison 'yan lahat sila magsusuka. Pero ito dahandahan sila rito nagkakasakit eh," aniya. 

Pero duda si Lerma Soriano, tindera ng lambanog kung paninda niya ang nakalason sa mga drayber dahil matagal niya nang suki ang mga ito. 

Ani Cejas, ipasusuri nila ang mga sample ng alak at pulutan sa Bureau of Food and Drugs para malaman kung sa pulutan, sa alak, o foul play ang sanhi ang pagkalason. 

Payo ng mga awtoridad, seguraduhing malinis ang mga binibiling inuman lalo na ng mga alak na wala namang production permit. 

-- Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.