KBYN: Mga lumang gulong ginagawang mga bagong paso
ABS-CBN News
Posted at Nov 13 2022 07:00 PM
Ginagawang makukulay na mga paso ng dalawang magkapatid ang mga lumang gulong sa Antipolo City.
"Kung makikita naman po ninyo sa likod ko 'yung mga obra po na makulay. Ito po ay talagang na-i-recycle na mga gulong at binigyan po ng buhay," pagpapakita ni Dyan Olfindo sa kanilang mga obra sa KBYN.
Namana ng magkapatid na Allen, Allan at Dyan sa kanilang mga magulang ang talento nila sa sining.
Gumagawa ang mga magulang nila ng mga bilao at sumbrero sa kanilang probinsya sa Bicol.
Kung dati ay pinagtatawanan pa ni Dyan ang mga unang likha ng kaniyang mga nakatatandang kapatid, tulong-tulong na sila ngayon sa pagbuo ng mga ibinebentang lalagyan ng halaman.
"So meron po kaming unang-una po mga ibon po, more on parrot, hanggang sa na-discover na po namin 'yung eagle. Depende po sa mga request po ng customer kung ano 'yung gusto nila sa kung kaya naman po namin mapag-aralan," pagdedetalye ni Dyan.
Nagsimulang gumawa ng mga makukulay na obra ang pamilya Olfindo sa Bicol.
Dinala ng magkapatid ang kanilang mga hanging pot sa Antipolo kung saan may kani-kaniya rin silang pinagkakaabalahan.
"Later on, gumanda nang gumanda so 'yun ang naging inspirasyon namin. Pangalawang taon, pumunta na kami dito sa Antipolo, dito na namin nakita 'yung idea na puwede pala dito," kuwento ni Allan.
Ang mga lumang gulong na kanilang ginagamit ay nakukuha lamang nila sa mga vulcanizing shop sa halagang P10.00 kada piraso.
Namumuhunan sila ng nasa P200.00 hanggang P300.00 kada hanging pot at naibebenta naman nila ang mga ito sa iba’t-ibang presyo depende sa laki at disenyo.
Nakatulong ng malaki ang pagbebenta nila online dahil hindi na lamang naging limitado sa kanilang lugar sa Antipolo ang mga namimili ng kanilang hanging pots.
Umabot na rin ang kanilang mga produkto sa Amerika sa pamamagitan ng kapatid na si Allen.
Ngayong unti-unti nang nakikilala ang kanilang mga produkto, bukas ang magkapatid na makipagtulungan sa kanilang barangay at ibahagi ang kanilang gawain para mabawasan ang mga tambak na gulong sa kanilang lugar.
"Para magkaroon ng tinatawag na Dengue Awareness Program. 'Yun 'yung hinihintay namin na makatulong. Ishe-share lang namin itong idea," kuwento ni Allan.
RELATED LINKS:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Tagalog news, KBYN, Current affairs, Kabayan, Kabayan Noli de Castro, Noli de Castro, Antipolo City, Rizal