KBYN: Mga kalabaw sa Central Luzon, sumasabak sa karera tuwing pista | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

KBYN: Mga kalabaw sa Central Luzon, sumasabak sa karera tuwing pista

KBYN: Mga kalabaw sa Central Luzon, sumasabak sa karera tuwing pista

ABS-CBN News

Clipboard

iWantTFC

Watch more on iWantTFC.com. Watch hundreds of Pinoy shows, movies, live sports and news.

Watch more on iWantTFC.com. Watch hundreds of Pinoy shows, movies, live sports and news.

Sa panahon ng kapistahan ni San Isidro Labrador na patron ng mga magsasaka, iba't ibang pagdiriwang ang isinasagawa bilang pasasalamat.

Sa bahagi ng Central Luzon, isang karera ang inoorganisa ng mga magbubukid para gunitain ang selebrasyon. Ang kanilang isinasabak sa karera ay ang kanilang mga kalabaw.

Ayon sa isa sa mga kalahok, minana na lamang nila sa kanilang magulang ang pagsali sa kompetisyong ito.

"Ang karera ho ng kalabaw siguro ho nasa 60 years nang tinatangkilik ng mga tagarito sa Central Luzon. Kaysa po sa magsugal tayo, kaysa po sa mambabae tayo, kaysa po saan-saan natin dalhin, ibigay na lang dito, marami pa tayong mabibigyan ng kasiyahan. Katuwaan lang po ito. Tradisyon lang po ng matatanda na binubuhay namin," kuwento ni Engr. Sonny Manalastas, ang may-ari sa kalabaw na si 'Pogi,' sa KBYN.

ADVERTISEMENT

Noong Abril 26, muling ginanap ang karera sa San Antonio, Nueva Ecija. Apatnapu't limang malalaking bulas ng kalabaw ang mga lumahok. Ang iba ay mestizo kung tawagin: magkahalong native, Bulgarian at Indian breed.

"Ang isang kalabaw kasi kung minsan, tatlong taon, pinangangarera na nila pero hindi nila inaapura 'yun pagkatatlong taon. Pangkaraniwan katulad ni 'Pogi,' ito nasa anim taon. Katibay-tibayan nito, anim na taon siguro hanggang 12 years ang kalakas-lakasan," pagbabahagi ni Manalastas.

Alagang-alaga si 'Pogi' ng kaniyang may-ari, trainer at hinete. Si Bernardino Galvan o 'Mang Victor' ang nagsasanay kay 'Pogi.' Ayon sa kaniya, buwan ang binibilang para ikondisyon sa laban ang alaga.

“Mga October uumpisahan ko na 'yan kung ang laban niya January. Papakainin mo na siya ng talagang pangkondisyon niya. Ang pagkokondisyon kasi sa kaniya, ibibilad mo 'yan sa umaga. Talagang matrabaho rin, sakripisyo ika nga. Kung kaya niya ang init ng hanggang 9, hanggang 10, 'pag nakita mo siyang hinihingal na, ilililim mo na siya,” pagdedtalye ni Galvan.

Palagay ang loob ng kalabaw kay Galvan dahil siya ang dating may-ari nito. Napilitan lamang niya itong ibenta kay Manalastas dala ng pangangailangan. Naibenta ang Bulgarian water buffalo na si 'Pogi' sa halagang P500,000.

Sasabak si 'Pogi' sa tatlong rounds. Sa elimination, akala ng Team Pogi na talo na sila. Ngunit dahil lumampas ang kalaban sa daan na takbuhan ni 'Pogi,' pinayagan itong sumalang sa semi-finals. Ipinanalo naman ito ni 'Pogi' hanggang magtagumpay ang kalabaw sa final round. Muli, champion si 'Pogi' sa karera ng mga kalabaw.

Bukod sa napanalunang premyo at titulo, ayon kay Manalastas, “Ang naging balik sa akin, 'yung pagkakaibigan, atsaka dumadami nang dumadami pa 'yung mga naging kakilala at naging kaibigan.“

RELATED LINKS:

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.