Mula sa mga bubong: Hiling na tulong umalingawngaw dahil sa pagbaha sa Cagayan, Isabela | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

News

Mula sa mga bubong: Hiling na tulong umalingawngaw dahil sa pagbaha sa Cagayan, Isabela

Mula sa mga bubong: Hiling na tulong umalingawngaw dahil sa pagbaha sa Cagayan, Isabela

ABS-CBN News

 | 

Updated Nov 14, 2020 09:54 PM PHT

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

MAYNILA - Mula sa kanilang mga bubong, nanawagan ng tulong ang mga residente ng Cagayan Valley at Isabela matapos lumubog sa baha ang kanilang bahay - dahilan para idaan ng netizens sa social media ang panawagan na agarang pagsagip sa mga residente.

Gamit ang hashtag na #CagayanNeedsHelp at #IsabelaNeedsHelp naipaabot ang mga apela na tulungan ang mga residente na na-trap sa kanilang mga bubungan.

Nasa state of calamity ngayon ang buong probinsiya ng Cagayan, kung saan 9 na ang kumpirmadong patay, apat dito ang natabunan ng landslide, dalawa ang nakuryente habang nagre-rescue, at tatlo naman ang nalunod.

Sa kabisera na Tugueguerao City, 43 sa 49 na barangay ay lubog pa rin; nasa 23 sa 29 na bayan naman ang lumubog sa baha.

ADVERTISEMENT

Ayon sa residenteng si Josah Langcay, kabi-kabila ang naging sigaw ng tulong matapos bumuhos ang tubig-baha sa lalawigan.

"Marami pong nagsisigawan kanina to ask for rescue kasi madami na pong affected area na hindi nila alam na maabutan sa bubong ang bahay nila, Hindi sila nag-evacuate," ani Langcay sa panayam sa Teleradyo.

Umalingawngaw rin ang mga panawagan sa iba pang linya ng komunikasyon sa buong magdamag. Labis din ang naging pangamba ng ilang may kamag-anak sa probinsiya.

Ayon kay Cagayan Governor Manuel Mamba, umagos ang tubig-ulan sa mga probinsiya ng Quirino, Nueva Vizcaya, Kalinga, at Isabela sa kanilang probinsiya, dahilan para mag-overflow ang tubig sa Cagayan River at matapon ito sa ilang bayan.

Nangyari ang pagbaha kahit walang storm signal na nakataas sa bansa matapos umalis ang bagyong Ulysses sa Philippine area of responsibility.

"Wala ho kaming typhoon signal pero 'yung rainfall po dya'an sa Quirino, Vizcaya, ganun din po sa Ifugao, ganun din po sa Kalinga, at Isabela ay dito po lahat pumunta sa amin," ani Mamba.

"Kaya late po ito, pero unprecedented po… First time po namin maexperience 'tong ganitong klase na pagbaha. Ang nabaha po sa amin are towns along Cagayan River po," dagdag niya.

Ayon kay sa isang opisyal, nagmistulang "Pacific Ocean" ang lalawigan sa lawak ng naging pagbaha kaya nanawagan sila ng agarang tulong.

"Nasa taas na po sila ng bubong nila and sobrang lampas tao po din yung tubig po kaya po nagpapa-rescue sila and sobrang hirap po ng situation namin kasi yung iba po hindi na po nakakayanan nung iba," ani Col. Ascio Macalan ng Cagayan disaster office.

Pahirapan din para sa mga rescue team ang pagpasok sa mga bahaing lugar dahil sa lakas ng pagragasa ng tubig at mga debris na kasamang tinangay.

Ang ibang mga residente na kinaya pang makatawid sa baha, nakisilong muna sa mga kapitbahay na may mas mataas na estraktura.

Sa larawang kuha ni Bayan Patroller Francis Jorque, umabot sa bubong ng kanilang mga bahay ang ilang residente sa Barangay Ilraga dahil sa tumataas na baha.

Sa bubong nagpalipas ng gabi ang mga residente para mabantayan ang kanilang ari-arian.

'PINAKAMATINDI SA LOOB NG 40 TAON

Ayon kay Mamba, ito na ang pinaka-matinding baha na naranasan nila mula 1975.

"First time po na maexperience yung ganitong klase na pagbaha, ang nabaha po samin Cagayan River. We prepared for this but unprecedented ito," ani Mamba, na isinailalim sa State of Calamity ang Cagayan.

Isa umano ang pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam sa dahilan ng pagbaha. Kaya ayon kay Mamba, plano niyang sampahan ng lcass suit ang mga namamahala rito.

Magsasampa rin aniya siya ng kaso sa National Grid Corporation of the Philippines dahil hindi ito agad nagpatay ng kuryente na nagresulta sa pagkakuryente ng isang rescuer.

"Every year lululubog kami sa baha, and less than 1 hectare kang sa amin ang binibigyan niya ng power. Kung talagang pinangangalagaan ng Magat Dam ang watershed nila, bubuhos ba ng ganito ang tubig? Dapat yan ang tanungin sa kanila?" ani Mamba.

Pinabulaanan din ng LGU ang mga balitang may mga bangkay ng bata na lumulutang sa baha.

Totoo naman anila ang mga viral video ng mga taong humihiyaw sa dilim. Ayon kay Tugueguerao Mayor Jeff Soriano, totoo ang hiyawan pero nang puntahan ang mga ito, ayaw na nilang lumikas.

Watch more in iWantv or TFC.tv

SITWASYON SA ISABELA

Isinailalim naman sa state of calamity ang Isabela City, kung saan 3 ang namatay batay sa inisyal na tala ng mga awtoridad.

Unang nabanggit din ng LGU na nasa 144,000 indibidwal ang naapektuhan ng baha.

"Nananawagan [kami] sa national government... Na kung maaari po ay tulungan niyo po kami sa Isabela at sa Cagayan dahil marami po sa ating mga kababayan ang kailangan ng tulong ninyo at panalangin po," ani Isabela PDRRMO acting spokesman Melanio Vitariga Jr.

TULONG UMARANGKADA NA

Samantala, umarangkada na ang pagbibigay ng tulong sa mga residenteng apektado ng baha sa Isabela at Cagayan.

Nagtulong-tulong ang mga taga-Philippine Coast Guard para maitawid ang mga residente na apektado ng baha sa Isabela at Cagayan.

Isinakay naman sa rubber boats ang mga residenteng inilikas ng Marine Batallion Landing team sa Alcala at Amulung sa Cagayan.

Dumating din ang ilang lokal na opisyal para mamahagi ng pagkain.

Ngayon, kailangan ng mga awtoridad ng tubig na maiinom, pagkain na puwede nang kainin at karagdagang bangka na pang-rescue sa mga lugar na lubog pa sa baha.

-- Ulat nina Jeff Canoy at Chiara Zambrano, ABS-CBN News; may ulat din ni Harris Julio

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

ABS-CBN is the leading media and entertainment company in the Philippines, offering quality content across TV, radio, digital, and film. Committed to public service and promoting Filipino values, ABS-CBN continues to inspire and connect audiences worldwide.

© 2025 ABS-CBN Corporation. All Rights Reserved.

© 2025 ABS-CBN Corporation. All Rights Reserved.