MAYNILA—Sa loob ng 4 na oras mula ang insidente, inaresto ng mga pulis ang 2 lalaking suspek sa panghoholdap sa isang convenience store sa Barangay Palanan, lungsod ng Makati Lunes ng gabi.
Nahuli sa Barangay Bel-Air Martes ng madaling-araw ang mga suspek na 24 at 20 anyos.
Ayon kay Police Maj. John Patrick Magsalos, hepe ng Makati Police Substation 6, tumangka pa umanong tumakas sa Oplan Sita checkpoint ang 2 magkaangkas ng motorsiklo.
Nakunan sa CCTV ng convenience store ang pagpasok ng lalaking nakasuot ng helmet at walang face mask bandang 9:30 ng gabi.
Pumasok pa siya sa likod ng counter at nilapitan ang kaha.
Ayon sa empleyadong si alyas Jessie, naghahanda na sila para isara ang tindahan nang mangyari ang holdap.
Unang nagtanong sa kanya ang suspek kung nagbebenta sila ng efficacent oil pero pabulong na nagdeklara ng holdap at naglabas ng baril.
Hindi namalayan ng isa pang empleyado at isang customer na nangyayari ang krimen.
Hindi na nabawi sa mga suspek ang mahigit P5,000 cash na natangay sa holdap. Narekober sa kanila ang 2 paltik o improvised na baril na 9-mm at caliber .45.
Pinaniniwalaan ng pulis na may kasabwat pa ang 2 suspek na nakasakay ng ibang motorsiklo at nakatakas.
Dagdag nila, bahagi umano ang 2 ng grupong sangkot sa mga kaso ng robbery at snatching hindi lang sa Makati kundi sa iba pang bahagi ng Metro Manila.
Pero tinanggi ng mga suspek na may kasamahan pa sila.
Bukod sa robbery-snatching, nahaharap din ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa curfew, pagbiyahe nang walang plaka at lisensya, at illegal possession of firearms.
Nananawagan din ang pulis sa mga ibang nabiktima ng mga suspek na makipag-ugnayan sa kanila.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
holdup, robbery, convenience store, Makati, riding in tandem, Palanan, Tagalog news, TV PATROL