Maputik at sira-sira ang daan sa Malilipot, Albay kasunod ng pananalasa ng bagyong Rolly sa lalawigan noong Nobyembre 1, 2020. Charism Sayat, Agence France-Presse
May ilan mang nakapaghanda at nailigtas ang kanilang mga pananim sa pananalasa ng bagyong Rolly, malaki pa rin ang iniwang pinsala ng bagyo sa sektor ng agrikultura.
Sa ulat ngayong Lunes ni Agriculture Secretary William Dar, nasa P1.1 bilyon ang tinatayang halaga ng pinsalang iniwan ng Rolly, na itinuturing na pinakamalakas na bagyo sa buong mundo ngayong taon, sa sektor ng agrikultura.
Karamihan umano sa mga nasira ay mga palayan, taniman ng mais, at iba pang high-value crops.
Handa naman, ayon kay Dar, ang Department of Agriculture (DA) na mamahagi ng 133,000 bags ng rice seeds at 17,000 bags ng mais na magagamit sa muling pagtatanim.
Mamimigay din umano ang DA ng native chickens, tilapia fingerlings, at fishing gear para sa mga apektadong magsasaka at mangingisda.
Sa impraestruktura naman, sinabi ni Public Works Secretary Mark Villar na nasa 18 road sections ang nasira dahil sa mga natumbang puno at poste bunsod ng bagyo.
Sa suplay ng kuryente, nasa higit 53,000 bahay sa Cavite, Laguna, Rizal, Bulacan at Metro Manila ang wala pang kuryente, bukod sa buong Catanduanes na brownout pa rin, ayon kay Energy Secretary Alfonso Cusi.
Tiniyak naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na patuloy ang kanilang pamamahagi ng tulong sa mga apektadong residente.
Mayroon pa umanong 6.5 milyon halaga ng food packs at hygiene kits ang DSWD na ihahatid sa mga nangangailangan.
Ayon naman kay National Disaster Risk Reduction and Management Council Executive Director Ricardo Jalad, puspusan ang deployment ng Armed Forces of the Philippines para makapaghatid ng relief goods, lalo na sa Catanduanes at Legazpi City sa Albay.
Sa transportasyon naman, inihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na operational na ang Ninoy Aquino International Airport at Clark International Airport nitong Lunes.
Nagsakay na rin umano ng mga pasahero ang Philippine National Railways, Light Rail Transit, Manila Metro Rail Transit, at EDSA Busway System.
Bukas na rin umano ang mga pantalan sa Marinduque, Quezon, Batangas, at Masbate pero hindi pa pinapayagan ang paglayag sa Occidental Mindoro, ani Roque.
Kuntento naman ang Malacañang sa naging tugon ng mga lokal na pamahalaan sa bagyo.
"Sa paningin ng presidente, he would like to command all government units, all department and agencies of government dahil naipakita naman po natin na dahil sa ating kahandaan natin nabawasan ang aberya," ani Roque.
Samantala, inaasahan namang iinspeksiyunin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hard-hit areas ng Bagyong Rolly gaya ng Albay, bago siya magkaroon ng situation briefing tungkol sa epekto ng bagyo at ginagawang recovery efforts.
Hindi bababa sa 10 tao ang naiulat na nasawi at daan-libong tao naman ang lumikas mula sa kanilang tahanan dahil sa Bagyong Rolly.
-- Ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, Rolly, RollyPH, Bagyong Rolly, Rolly recovery efforts, agrikultura, infrastructure, kuryente, transportasyon, Teleradyo, Headline Pilipinas