PatrolPH

Pag-aaral ng ilang estudyante apektado ng pag-ulan

ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2020 06:43 PM

Pag-aaral ng ilang estudyante apektado ng pag-ulan 1
Lumalahok sa online class ang ilang estudyante sa loob ng kanilang bahay sa Parañaque noong Setyembre 24, 2020. George Calvelo, ABS-CBN News

Dahil sa pagbuhos ng ulan, nahinto ang online class ng Grade 7 na anak ni Maria Cristina Mejares.

"Ngayong walang online ang classes niya sa Math kasi nagsabi ang teacher na mahina ang signal sa kanila," ani Mejares.

Ibinilin na lang umano ng guro sa mga estudyante na mag-aral sa pamamagitan ng module at panoorin na lang ang lesson sa YouTube.

Dahil din sa ulan humina ang signal ni Carl Aguilar, estudyante sa isang pribadong paaralan.

"May class kami na sabay-sabay kami na gagawa ngunit nawawala ng network connection, nagkakahirapan kami," ani Aguilar.

Ilan lang si Aguilar at ang anak ni Mejares sa nakakaramdam ng epekto ng pawala-walang signal sa online classes.

Magugunitang sinabi ng Department of Education na puwede namang magsuspende ng klase ang mga lokal na pamahalaan kapag may bagyo, tulad ni Ofel.

Pero hindi tulad ng mga panahon bago ang COVID-19 na mabilis pa sa alas-4 mag-suspend ng klase ang mga local government unit (LGU) para hindi maperwisyo ang mga bata, tila wala sa radar ngayon ng mga LGU ang class suspension.

Wala ring na-monitor ang DepEd na mga LGU na nagpasyang magsuspende ang klase.

Nag-landfall nitong hapon ng Miyerkoles si Ofel malapit sa Burias Island, Masbate, ayon sa state weather bureau na PAGASA.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.