NBI hirap kasuhan ang ilang taga-PHSA na sangkot umano sa sexual abuse | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

NBI hirap kasuhan ang ilang taga-PHSA na sangkot umano sa sexual abuse

NBI hirap kasuhan ang ilang taga-PHSA na sangkot umano sa sexual abuse

Johnson Manabat,

ABS-CBN News

Clipboard

MAYNILA — Bumalik muli sa alaala ng ilang dating estudyante ng Philippine High school for the Arts o PHSA sa Laguna ang anila'y sinapit nilang pang-aabusong seksuwal mula umano sa ilan sa kanilang mga naging dating guro sa paaralan.

Sa pagharap sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, sinabi ni PHSA alumnus Jerom Canlas na huli na nang mapagtanto niyang naabuso pala siya sa kaniyang kabataan.

Pero wala na ring mahabol si Canlas dahil namatay na ang guro na aniya’y umabuso sa kaniya.

"Hindi ko agad na-realize na isa pala akong biktima ng abuso… Huli ko na napagtanto," aniya.

ADVERTISEMENT

Ayon sa National Bureau of Investigation o NBI, nahihirapan silang makabuo ng pormal na reklamo laban sa mga idinadawit na guro dahil walang gustong magsumite ng sinumpaang salaysay.

"We tried to reach out to the victims…. Pero ang problema, ayaw magbigay ng sworn statement nung victims. Puwede namin silang puntahan sa bahay para kampante sana sila. Para kami makapagsampa ng criminal case, kailangan namin 'yung sworn statement ng mga victims," ani Jerome Bomediano ng NBI special action unit.

Pero sabi ni Sen. Risa Hontiveros, puwede namang magkusa na sa pag-iimbestiga ang ahensiya ng gobyerno at eskwelahan.

"Bilang law enforcement agency, siyempre, kailangan ng NBI ng gano'ng dokumento. Pero puwede at dapat sa ilalim ng Safe Spaces Act o mag-assist ang eskwelahan, ang motu proprio sila na ang umaksiyon para katulong ang mga law enforcement agencies pahinugin ang mga reklamo into cases," sabi ni Hontiveros, chairperson ng Senate committee on women, children, family and gender equality.

Uminit ang ulo ni Sen. Raffy Tulfo sa aniya'y mahinang palakad ng eskwelahan at pagdidisiplina sa mga inirereklamong guro o kawani.

"Makakainit ng ulo na 'yung Guidance Counselor… sila ho dapat 'yung takbuhan… Haven dapat ito. And they should be doing something about it. Hindi 'yung magbibingi-bingihan lang. The minute may lumapit na estudyante, 'matic, alam na ng gagawin. Hindi po 'yung parang natutulog kayo sa pansitan. Parang wala kayong pakialam," ani Tulfo.

Sagot naman ng isang opisyal ng PHSA, may mga programa na sila para matiyak na hindi na mauulit ang umano'y pang-aabuso sa mga bata.

Bukod sa regular na meeting ng mga guro at magulang, mayroon na rin anila silang Committee on Decorum na dumidinig sa mga reklamo.

“Nagkaroon kami ng mas estrikto na requirement sa mga off-campus activities. Mayroong shuttle. Pinapasama na namin ang mga magulang sa off-campus activities," ayon kay Josue Greg Zuniega, Director IV ng PHSA.

"Do'n sa mga alumni natin na nagrereklamo, meron po tayong hotline para sila ay sumulat. Kung anong reklamo nila ay maaari nilang isulat sa amin. Do'n sa mga humihingi ng counseling ay bibigyan namin sila… courtesy ng mga alumni at parent na handang mag-sponsor."

Lumabas sa pagdinig na nakapag-apply na sa ibang paaralan ang ilan sa mga inireklamong guro.

Kaya ang suhestiyon ng NBI, magkaroon ng database ang mga paaralan sa records ng bawat guro.

"It's about time ang DepEd mag-create ng database sa mga gano'ng anong klase ng teachers, at lahat ng school ay bigyan ng access para in case merong aplikante ay ma-check nila 'yung previous na may gano'ng allegations," ani Bomediano.

Payo naman ni Canlas sa mga estudyante: "Sa palagay ko, dapat lang maging mas mapagmatiyag at alam nila na nandito kaming mga alumni at advocates for children's rights na handang magtanggol at ayusin yung sistema sa eskwelahan para hindi na ito mangyari ulit."

Napapanahon ang isyu, ayon kay Hontiveros, lalo't nagbalik na ang face-to-face classes sa maraming paaralan sa bansa.

Layon aniya ng pagdinig na tiyaking ligtas ang mga bata sa kanilang ikalawang tahanan.

KAUGNAY NA VIDEO

Watch more News on iWantTFC

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.