PatrolPH

NCR, balik-GCQ 'with heightened restrictions' dahil sa banta ng Delta variant

ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2021 03:24 PM | Updated as of Jul 23 2021 07:59 PM

  • 4 iba pang lugar nasa GCQ with heightened restrictions din 

  • Utos na pinapayagang lumabas ang mga edad 5 pababa binawi 

  • Malaysia, Thailand kasama sa mga bansang sakop ng flight restrictions

MAYNILA - Isasailalim muli ang Kamaynilaan sa general community quarantine with heightened restrictions, anunsiyo ng Malacañang nitong Biyernes. 

Kasunod ito ng pagkumpirma ng local transmission ng mas nakahahawang COVID-19 Delta variant sa bansa. 

Bukod sa Metro Manila, ilalagay rin ang apat na iba pang probinsiya (Ilocos Norte, Ilocos Sur, Davao De Oro, Davao Del Norte) sa nasabing restrictions. 

Sa ilalim ng GCQ with heightened restrictions, nasa 20 porsiyento ng venue capacity ang indoor dine-in services, habang ang al fresco o outdoor dine-in services ay 50 porsiyento ang kapasidad. 

Nasa 30 porsiyento naman ang kapasidad na pwede sa personal care services. 

Watch more on iWantTFC

Noong Hunyo, inilagay sa GCQ with heightened restrictions ang Kamaynilaan bilang hakbang ng paunti-unting pagluluwag ng restrictions matapos ang surge at paghihigpit ng lockdown protocols noong Marso. Noong Hunyo lang din ay sinabing "low-risk" ang Kamaynilaan sa banta ng COVID-19.

Nabanggit nitong Huwebes ng OCTA Research group na nakararanas ng "pre-surge" ang Kamaynilaan sa pagdami ng COVID-19 cases sa lugar. 

Pagbabawalan ding mag-operate ang indoor sports courts, pati mga meeting, incentives, conventions at exhibitions, maging ang social events. 

Papayagan namang magbukas ang outdoor tourist attractions sa 30 porsiyentong kapasidad. Papayagan din ang mga staycation nang walang age restriction alinsunod sa mga restriction na posibleng ipatupad ng Department of Tourism. 

Bukod dito, pagbabawalan din ang mga batang lumabas sa loob ng isa o dalawang linggo, ayon kay Health Secretary Francisco Duque III. 

Matapos nito, magsasagawa ulit ng assessment at kung hindi ulit tataas ang numero ay posible muli silang payagan partikular na sa Metro Manila. 

Samantala, isinama na ang Malaysia at Thailand sa mga sasakupin ng may travel restrictions bilang pagiingat sa Delta variant. Ipatutupad ito simula July 25 hanggang 31, 2021.

Ang mga pasahero na galing sa mga bansang ito na dumating sa Pilipinas bago ang July 25, 2021 ay isasailalim sa 14-day facility based quarantine at dapat sumailalim sa RT-PCR test.

Bibigyan naman ng exemptions ang mga kasama sa repatriation at special commercial flights pero kailangan din sumailalim sa testing at quarantine protocols.

Inaprubahan din ng IATF ang revision ng rules para sa Green Lanes para sa mga fully vaccinated international arriving passengers sa bansa simula July 26, 2021.

— Ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.