Eid al-Adha ginunita ng daan-daang Muslim sa Marawi | ABS-CBN

ABS-CBN Ball 2025:
|

ADVERTISEMENT

ABS-CBN Ball 2025:
|
dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Eid al-Adha ginunita ng daan-daang Muslim sa Marawi

Eid al-Adha ginunita ng daan-daang Muslim sa Marawi

ABS-CBN News

Clipboard

Daan-daang Muslim ang nagtipon-tipon sa capitol grounds ng Marawi City para magdiwang ng Eid al-Adha, Hulyo 20, 2021. Roxanne Arevalo

Daan-daang mga Muslim sa Lanao del Sur ang maagang nagtungo sa capitol grounds ng Marawi nitong umaga ng Martes upang ipagdiwang ang Eid al-Adha o Feast of Sacrifice.

Nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine ang Marawi City kaya pinahihintulutan ang religious gatherings sa mahahalagang okasyon ng mga Muslim basta ipinatutupad ang mga health protocol.

Naglatag ng trapal ang provincial government ng Lanao del Sur sa labas ng mosque sa Marawi para sa mga dumalo sa okasyon. Binigyan din umano sila face mask at pinaalalahanang sumunod sa physical distancing.

Ito ang pangalawang taong nagdiwang ng mga residente ng Eid al-Adha sa panahon ng pandemya at maituturing na rin daw ng mga dumalo na sakripisyo ang paglabas sa kanilang mga bahay sa panahong ito para manampalataya.

ADVERTISEMENT

"Kung mayroon mang pagsubok, maialis sana 'yan. Magta-3 taon na ang pagsubok na ito. Hingin natin ito sa Panginoon. Hindi ito kaya ng mga doktor, hindi ito kaya ng mga leaders natin. Sa kaniya tayo dapat umasa," sabi ni Aleem Alibasher Abdulatif, tagapagsalita ng National Imam's League.

Tatlong araw na ipagdiriwang ang Eid al-Adha kung saan kabilang sa mga aktibidad ang pagkakatay ng mga hayop.

Sa bayan ng Masiu, Lanao del Sur, ipinanawagan naman ng ilang Muslim ang pagpapalawig sa Bangsamoro Transition Authority kasabay ng pagdiriwang ng Eid al-Adha.

Matapos magsimba, nagbitbit ng placards ang mga residente sa labas ng mosque upang ipanawagan na dagdagan nang 3 taon ang BTA, na nakatakdag matapos sa 2022.

Hindi pa raw kasi natatapos ang ilan sa mga nasimulan ng BTA tulad ng electoral code, revenue code at local government code ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, ang self-governing region na nabuo matapos malagdaan ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng goberyno at Moro Islamic Liberation Front.

Kapag hindi ma-extend ang BTA, magkakaroon ng eleksyon sa rehiyonal na mga opisyal.

Nababahala ang mga residente na mga tradisyunal na politiko ang hahalili sa BTA.

Posible umanong taliwas sa mga repormang hinangad para sa Bangsamoro ang ipaloob ng mga politiko sa mga hindi natapos na code.

Inaasahan ng mga residente na mababanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang huling State of the Nation Address (SONA) nitong Hulyo 26 ang pagpapalawig sa BTA.

Balak rin ng mga residente ng Lanao del Sur na lumahok sa caravan mula Mindanao hanggang Maynila sa araw ng SONA.

Umabot naman sa 1,700 Muslim ang nakiisa sa paggunita ng Eid'l Adha sa Golden Mosque sa Quipao, Maynila.

Inabutan ng pag-ulan ang pang-umagang dasal kaya kinailangang putulin ang pagtitipon ng mga tao sa labas ng mosque.

— Ulat ni Roxanne Arevalo

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.