PatrolPH

Top 6 sa watchlist ng Davao del Sur patay sa drug bust

ABS-CBN News

Posted at Jun 02 2021 06:48 AM

Patay ang isang 42 anyos na lalaki matapos manlaban umano sa ikinasang anti-illegal drug operation sa Purok 2, Barangay Bolton, bayan ng Malalag, Davao del Sur Martes ng umaga.

Napatay ng mga operatiba si Genesis Ladiza, alyas Pogi, sa buy-bust ng Philippine Drug Enforcement Agency Davao del Sur, Malalag Municipal Police, at ibang units ng Philippine National Police. 

Ayon sa PDEA XI, nasa ika-6 si Ladiza sa PDEA-PNP provincial target list, at high-value target No. 5 sa regional level.

Batay sa imbestigasyon ng Malalag PNP, nabilihan umano ng pakete ng hinihinalang shabu si Ladiza na nagkakahalaga ng P10,000.

Pero nang mapansin na isang PDEA agent pala ang nagkunwaring buyer, bumunot umano ng kanyang .38 na baril ang suspek, at pinaputukan ang PDEA agent.

Napilitan umanong dumepensa ang PDEA agent at binaril si Ladiza sa dibdib.

Isinugod pa ito sa Davao del Sur provincial hospital pero idineklarang dead on arrival.

Nakuha rin mula sa napatay na target ang 2 malalaking pakete ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P165,000, at isang .38 caliber pistol. — Ulat ni Hernel Tocmo

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.