Community pantry sa Batangas inilunsad mula sa donasyon ng mga OFW

ABS-CBN News

Posted at May 13 2021 01:43 PM

Sa tulong ng mga overseas Filipino worker, isang community pantry ang binuksan sa Barangay Gelerang Kawayan sa San Pascual, Batangas. Dennis Datu, ABS-CBN News

Kahit malayo sa kanilang bayang sinilangan, hindi nakakalimutan ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa na tumulong sa kanilang mga kabarangay dito sa Pilipinas na nangangailangan ngayong panahon ng pandemya.

Inilunsad kamakailan sa Barangay Gelerang Kawayan sa bayan ng San Pascual, Batangas ang isang community pantry mula sa donasyon ng mga overseas Filipino worker, residente, at dating residenteng nakaaangat sa buhay.

Ayon sa barangay chairman na si Celso Abrugena, nagulat siya sa dami ng tumawag para magpadala ng tulong.

Bukod sa planong ipagpatuloy ang pantry, balak din umano ng barangay na mag-abot ng tulong sa maraming mahihirap na residente sa ibang barangay.

"Maraming nagsabi sa akin na mga tubong-Gelerang Kawayan na hindi na dito nakatira, na sila ay matagal nang gustong tumulong sa taga-rito," sabi ni Abrugena.

Isa sa mga pumila sa pantry ang labanderang si Janice Mendoza, na may 2 anak na maliliit pa.

Nakakuha siya ng ilang kilong bigas, mga itlog, gulay at iba pa para may makain ang kaniyang pamilya sa loob ng ilang araw.

"Malaking biyaya po ito sa'min. Tulad niyan, mahirap ang buhay dahil sa COVID. Asawa ko, walang trabaho... Umaasa talaga kami sa ganito," ani Mendoza.

Noong nakaraang buwan nagsimula ang community pantry sa Maginhawa Street, Quezon City hanggang sa nagsulputan na ang mga ito sa iba pang parte ng bansa.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

RELATED VIDEO:

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.