Mga nahuli sa Gubat sa Ciudad Caloocan resort dapat mag-quarantine: DOH | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Mga nahuli sa Gubat sa Ciudad Caloocan resort dapat mag-quarantine: DOH

Mga nahuli sa Gubat sa Ciudad Caloocan resort dapat mag-quarantine: DOH

ABS-CBN News

 | 

Updated May 10, 2021 10:46 PM PHT

Clipboard

Gubat sa Ciudad permanente nang ipinasasara

Watch more in iWantv or TFC.tv

(UPDATE) Ipinag-utos ng Department of Health (DOH) na isailalim sa 2 linggong quarantine ang mga nahuling nagsi-swimming sa Gubat sa Ciudad resort sa Caloocan City, na isang paglabag sa health protocol.

Naghain na rin ngayong Lunes ng revocation order ang Caloocan city government para bawiin ang business permit ng resort at permanente itong ipasara.

Ayon kay Health Spokesperson Maria Rosario Vergeire, para maiwasan ang posibilidad ng pagkalat ng COVID-19, babantayan ang kalagayan ng lahat ng nagpunta sa Gubat sa Ciudad noong Linggo.

"We have advised the regional office to strictly monitor all those who attended this gathering, 'yong nagpunta diyan sa resort na 'yan," ani Vergeire.

ADVERTISEMENT

"Kailangan nilang mag-quarantine for 14 days, lahat sila, so that we can ensure na walang pagkakahawaan na mangyayari," dagdag niya.

Pero may nakikitang problema sa contact tracing si Caloocan Mayor Oscar Malapitan dahil hindi raw nagbigay ng tamang pangalan at contact details ang mga nagpunta sa resort.

Iniimbestigahan na ng lokal na pamahalaan ng Caloocan at Department of the Interior and Local Government ang insidente.

Sa panayam ng Teleradyo, kinuwento ni Malapitan na nakatanggap siya ng ulat na nagbukas ang resort noong Linggo kaya dali-dali niyang ipinasara ito.

Ayon naman kay Romero Rivera, chairperson ng Barangay 171 na nakakasakop sa resort, hindi ito ang unang beses na nahuli at inutusan nila ang Gubat sa Ciudad na itigil ang operasyon.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Habang isinisilbi naman ang closure order noong Linggo, isang TV cameraman ang ginulpi umano ng ilang mga nag-swimming sa resort.

Inakala umano ng isa sa mga nag-swimming na sinaktan ni Arnel Tugade, cameraman ng TV5, ang kaniyang kapatid.

Nagtamo ng nasal fracture si Tugade, na magsasampa ng reklamong serious physical injuries.

Kakasuhan naman umano ang pamunuan ng resort, barangay, at mga nag-swimming.

Ayon naman kay Presidential Spokesperson Harry Roque, bagaman naiintindihan ang kagustuhan ng mga tao na magpalamig at magsaya, hindi ito sapat na dahilan para labagin ang community quarantine.

"Bawal pa po ang pagtitipon-tipon. Ganito ang nangyari sa India, 'wag nating hayaang mangyari ito sa mahal nating bayan," ani Roque, na binanggit ang bansang nakararanas ngayon ng matinding COVID-19 surge.

Ngayong Lunes, nakapagtala ang DOH ng 6,846 dagdag na kaso ng COVID-19 para sa kabuuang 1,108,826 kumpirmadong kaso sa bansa. Sa bilang na iyon, 59,897 ang active cases.

Sa ulat ng OCTA Research Group, bumaba na ang positivity rate sa National Capital Region (NCR) sa 14 porsiyento pero mataas pa rin sa 5 porsiyentong benchmark ng World Health Organization.

Mula Mayo 2 hanggang 8, naglaro sa 2,172 ang average na kaso sa NCR. Nakikitang patuloy itong babagsak sa 1,900 pagsapit ng May 14.

Nasa 0.67 na lang din ang reproduction number ng sakit sa NCR, ayon sa grupo.

Pero ayon sa OCTA, hindi pa rin maaaring masabing puwede nang magluwag ng quarantine restrictions.

— Ulat nina Raphael Bosnao at Arra Perez, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.