Labor day protests, tuloy sa social media dahil sa COVID-19 | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Labor day protests, tuloy sa social media dahil sa COVID-19

Labor day protests, tuloy sa social media dahil sa COVID-19

Raya Capulong,

ABS-CBN News

 | 

Updated Apr 28, 2020 07:34 PM PHT

Clipboard


MAYNILA — Tuloy ang taunang malawakang kilos protesta ng iba't ibang grupo sa Labor Day sa Mayo 1 sa kabila ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Pero sa halip na mag-rally sa kalsada, bagong bihis ang protesta dahil sa social media idadaan ng iba't ibang grupo ng manggagawa ang kanilang mga panawagan at hinaing sa gobyerno, ayon sa Kilusang Mayo Uno (KMU).

Sa virtual press conference nitong Martes, sinabi ni KMU chairperson Elmer Labog na gamit ang social media, palalakasin nila ang kanilang panawagan sa gobyerno na tiyakin ang maayos na kalusugan, kabuhayan, at karapantan ng mga manggagawa habang umiiral ang enhanced community quarantine.

Magsusuot din anila ang mga manggagawa ng pulang face mask bilang pagsuporta sa patuloy na paglaban sa COVID-19.

ADVERTISEMENT

Ayon pa kay Labog, bukod sa social media, magsasagawa pa rin ng pag-iingay at protesta ang mga manggagawa pero sa kani-kanilang bahay na lang muna habang sinusunod ang physical distancing.

Hirit ng mga mangagawa, dapat solusyong medikal ang ibigay ng gobyerno at hindi umano solusyong militar.

Sinabi rin ni Labog na tungkulin ng Department of Labor and Employment (DOLE) na maghanap ng budget para sa mga naapektuhang mga manggagawa, lalo na ang mga "no work no pay" na walang mapagkakitaan ngayong lockdown.

Sa higit 1 buwang pagpapatupad ng lockdown, maraming kuwento ng mga manggagawa ang naiulat, na ang ilan pa ay namamalimos na lang matapos mawalan ng hanapbuhay.

Naglaan ang DOLE ng cash aid para sa mga manggagawa pero inamin nilang hindi ito sapat para matustusan ang lahat ng nasapul ng lockdown.

Sabi ni Labog, sakaling magbalik-trabaho ang mga manggagawa ay dapat may kongkretong nakalatag na plano ang gobyerno at kompanya para matiyak na ligtas ang mga manggagawa laban sa coronavirus.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.