PatrolPH

Construction worker, restaurant crew nanlilimos na lang nang mawalan ng trabaho sa lockdown

ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2020 09:19 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Sa pamamalimos na lang umaasa ngayon ang 2 lalaking nawalan ng hanapbuhay sa gitna ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine sa maraming bahagi ng bansa bunsod ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Nakilala ang 2 lalaki na sina Edwin Llagas, dating construction worker, at Rejie Lemosnero, dating restaurant crew, na parehong nawalan ng trabaho dahil sa lockdown.

Dahil dito ay hindi sila makauwi sa kani-kanilang probinsya kaya namamalimos na lamang sila sa lansangan para mabuhay.

Si Llagas ay construction worker sa Cavite bago ipatupad ang lockdown. Natigil ang kaniyang trabaho at hinatid siya ng kanilang company driver sa Quezon City.

"Nung pag sabi ni Duterte na ila-lockdown, wala na, tapos na ang trabaho. Nagsabi kami doon sa driver baka puwede niyo kami ihatid sa puwede matulugan, 'yung safe lang eh dito kami hinatid sa Centris station," ani Llagas, na natutulog na lang sa foot bridge.

Nawalan man ng trabaho, hindi natapos ang obligasyon ni Llagas na buhayin ang mag-ina sa Cagayan de Oro kaya't araw-araw, nanghihingi siya ng barya para may maipadala kahit papaano.

Plano pa sana niyang mag-apply ng bagong trabaho pagkatapos ng lockdown pero noong isang araw ay nasalisihan siya habang natutulog ang tinangay ang bag niyang naglalaman ng mga mahahalagang dokumento.

"Hindi na ako makaka-apply, uuwi na lang ako sa amin. Nandun papeles ko, mga diploma ko, original na birth certificate," ani Llagas.

Sa isang buwan niyang palakad-lakad, nakilala ni Llagas ang dati namang restaurant crew na si Lemosnero, na tubong Davao.

Sa labis na paglalakad ni Lemosnero, hindi maiwasang magkasugat-sugat na ang kaniyang binti.

"Sa hita po, sa singit [nagkasugat] kasi sa paglalakad po... Kakalakad po masakit hindi ko na kaya eh," sabi niya.

Nitong mga nakaraang araw, sina Lemosnero at Llagas ang nagdadamayan.

Ang perang nakakalap sa pamamalimos ay hinahati nila at ipinapadala sa pamilya.

Puno ng takot ang 2 na mauwi sila sa pagiging palaboy kapag naubos na ang mga taong nais o kayang magbigay ng tulong, lalo pa ngayon na na-extend muli ang lockdown hanggang Mayo 15.

Hiling nila ay sana'y mapagtuunan din ng atensyon ang mga tulad nilang biktima ng sitwasyon.

—Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.