2 linggo kulang para maibsan ang COVID-19 surge: OCTA | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

2 linggo kulang para maibsan ang COVID-19 surge: OCTA

2 linggo kulang para maibsan ang COVID-19 surge: OCTA

ABS-CBN News

Clipboard

Checkpoint sa border ng San Jose Del Monte, Bulacan at Caloocan City noong Marso 22, 2021. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Hindi agad-agad makikita ang epekto ng mas mahigpit na general community quarantine (GCQ) na ipinatupad sa Metro Manila at ilang karatig-lalawigan, sabi ngayong Miyerkoles ng isang grupong nagsasagawa ng mga pag-aaral sa COVID-19 data.

Ang mas mahigpit na GCQ sa National Capital Region (NCR), Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal — o iyong tinatawag na "NCR Plus Bubble" — ang nakitang solusyon para mapigilan ang pagsipa ng COVID-19 cases sa mga naturang lugar.

Pero ayon kay Guido David ng OCTA Research Group, marahil kulang ang 2 linggo para mapababa ang reproduction number ng sakit.

"Mukhang at least 4 weeks ang kailangan. Hindi naman natin sinasabing imposibleng bumaba in 2 weeks. Pero sinasabi lang natin, mukhang unlikely based on mathematics and 'yong history natin," sabi ni David.

ADVERTISEMENT

Para sa OCTA, hindi lang ang mga nasa "NCR Plus Bubble" ang dapat bantayan kundi pati ang mga nasa labas, partikular ang Pampanga at Batangas na nakitaan din ng pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ayon sa grupo, baka mas mabilis pang mapigil ang pagkalat ng sakit kung mas maluwag na modified enhanced community quarantine (MECQ) o "soft MECQ" ang ipatupad.

"Maybe an MECQ of two weeks will do it... Pero may cost po ito. May social and economic cost po. Kaya sina-suggest naming soft MECQ para hindi malaki ang ayudang ilalabas ng gobyerno," ani Ranjit Rye ng parehong grupo.

Nauna nang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na inaasahang mababawasan nang 25 porsiyento ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa bilang resulta ng "NCR Plus Bubble."

Ayon naman sa Department of Health, malinaw na may kinalaman ang mas nakahahawang variants ng COVID-19 sa pagtaas ng bilang ng mga kaso.

Pero ipinaliwanag ng ahensiya na hindi pa naman nila nakikitang nakapagdulot ng mas malalang uri ng COVID-19 ang mga variant.

Ito ay sa kabila ng pag-aaral sa United Kingdom (UK) na nagsasabing ang UK variant ay posibleng nagdudulot ng severe illness.

"Habang dumadami ang kaso, siyempre dadami rin ang may severe at critical. So 'yon ang gusto nating i-prevent," ani Dr. Alethea de Guzman ng DOH Epidemiology Bureau.

Sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit, pinakahirap ngayon ang mga ospital dahil bukod sa puno na ang kanilang kapasidad, nagkukulang na rin sila ng mga health worker.

Nitong Miyerkoles, umabot na sa 684,311 ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa matapos makapagtala ng 6,666 dagdag na kaso. Sa bilang na iyon, 91,754 ang active cases o may sakit pa rin.

— Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.