Comelec, Cotabato mayor nagkontrahan sa kredibilidad ng BOL plebiscite | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Comelec, Cotabato mayor nagkontrahan sa kredibilidad ng BOL plebiscite

Comelec, Cotabato mayor nagkontrahan sa kredibilidad ng BOL plebiscite

ABS-CBN News

Clipboard

Tumutulong ang mga miyembro ng Philippine National Police sa plebisito para sa Bangsamoro Organic Law sa Cotabato City Pilot School, Enero 21, 2019. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

May kredibilidad ang resulta ng plebisito para sa batas na magtatatag ng bagong rehiyon na pamamahalaan ng mga Muslim sa Mindanao, sabi ngayong Martes ng Commission on Elections (Comelec). Ito ay sa kabila ng mga bintang na marami ang mga natakot at hindi na lang bumoto.

"Credible talaga siya," sabi ni Comelec Chairman Sheriff Abas ukol sa botohang idinaos noong Lunes sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), Cotabato City, at Isabela City sa Basilan.

Si Abas ay pamangkin ng lider ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na si Mohagher Iqbal pero ayon sa Comelec ay dumistansiya ang chairman sa plebisito. Sa halip, si Commissioner Al Parreño ang humawak sa plebisito sa BOL.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nauna nang sinabi ni Cotabato City Mayor Cynthia Guiani-Sayadi na apektado ang kredibilidad ng botohan dahil sa aniya ay mga insidente ng pananakot at vote buying.

ADVERTISEMENT

"This is something that affected the credibility of the election... It was marred by violence, intimidation, vote buying," sabi ng alkalde, na tutol sa Bangsamoro Organic Law (BOL).

Sa Cotabato City, isang granada ang sumabog noong bisperas ng botohan sa bahay ng isang judge habang isang granada rin ang natagpuan malapit sa poll center sa pagsisimula ng botohan.

Mayroon ding mga nahuling flying voter at may ilang gulong nangyari sa ilang poll center.

Ayon pa kay Sayadi, libo-libong miyembro ng MILF ang nagtungo sa kaniyang lungsod para takutin ang mga botanteng tutol sa panukala na huwag na lamang bumoto.

Itinanggi naman ni MILF Chair for Political Affairs Ghazali Jaafar na sila ay nanakot at bumili ng mga boto.

"We don't believe in intimidation," sabi ni Jaafar.

"We want it (Cotabato) to be a member of the Bangsamoro government through a democratic way because we believe in a democracy,"dagdag niya.

Watch more in iWantv or TFC.tv

YES OR NO?

Sa tally sa Cotabato City, alas-6:45 ng gabi nitong Martes, lamang ang "yes" na may botong 28,828 samantalang ang "no" ay nasa 21,787.

Ito ay 81 porsiyento na ng mga na-canvass na mga balota o 303 mula sa 374 na mga presinto ng Cotabato City.

Nagbabala si Comelec spokesman Director Jamez Jimenez sa publiko na iwasang gumawa ng mga haka-haka ukol sa resulta ng halalan.

"I would like to caution everyone against jumping to conclusions," ani Jimenez.

"In general, however, I would like to request that everyone be ready to accept the results, whatever the results may be," dagdag niya.

Sa canvassing naman sa Maguindanao at Lanao Del Sur, sa ngayon ay nangunguna ang botong "yes" sa karamihan sa mga bayan.

Nanawagan din si ARMM Governor Mujiv Hataman sa publiko na iwasang gumawa ng mga haka-haka at igalang ang desisyon ng nakararami.

Magko-convene sa Miyerkoles ang National Board of Canvassers sa central office ng Comelec para tanggapin ang mga resulta ng botohan sa Enero 21 na plebisito.

Ayon pa sa Comelec, may mga natutunan sila noong Lunes na maaaring maayos pa sa plebisitong idaraos sa Pebrero 6, na lalahukan ng mga taga-Lanao del Norte at ilang barangay sa North Cotabato.

Nauna nang sinabi ng Malacañang na umaasa si Pangulong Rodrigo Duterte na boboto ng "yes" ang mga residente at maipapasa ang BOL, na para sa pangulo ay magtatama sa "historical injustices" na naranasan ng mga Moro sa Mindanao.

--Ulat nina Ron Gagalac at Lore Mae Andong, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.