Quiapo Church tahimik, bantay-sarado sa bisperas ng pista ng Nazareno | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Quiapo Church tahimik, bantay-sarado sa bisperas ng pista ng Nazareno

Quiapo Church tahimik, bantay-sarado sa bisperas ng pista ng Nazareno

ABS-CBN News

 | 

Updated Jan 08, 2022 11:48 PM PHT

Clipboard

 Tahimik ang paligid ng Quiapo Church ilang araw bago ang pista ng Black Nazarene. George Calvelo, ABS-CBN News
Tahimik ang paligid ng Quiapo Church ilang araw bago ang pista ng Black Nazarene. George Calvelo, ABS-CBN News

Tahimik ang Quiapo sa pagsapit ng bisperas ng paggunita sa Traslacion ng Black Nazarene.

Kinansela muli ngayong taon ang Traslacion ng Poong Nazareno sa Quiapo Church dahil sa patuloy na pagsirit ng mga kaso ng COVID-19.

Pero matatandaang sa kabila ng pagsuspende ng prusisyon noong isang taon, dinagsa pa rin ng mga deboto ang simbahan para makadalo sa misa at masulyapan ang imahe ng itim na Nazareno.

Watch more in iWantv or TFC.tv

At dahil nga lumulubha na naman ang sitwasyon ng pandemya sa bansa, kinansela muli ngayong taon ang mga pisikal na misa.

ADVERTISEMENT

Huling araw na dapat ng Novena Masses patungo sa paggunita ng Traslacion sa Enero 9.

Pero dahil nga sa banta ng COVID-19, sa social media pages lamang makakadinig ng Misa ang mga deboto.

Ayon sa Homily ni Rev. Fr. Daniel Voltaire Hui, na nagdiwang ng 8 a.m. mass sa Quiapo Church Sabado, ang malalim na relasyon kay Hesus ay hindi magagawa sa pagbisita lang sa Quiapo church o sa imahe ng Nazareno.

“Hindi rin ito magagawa ng pasan-pasan o pagsama sa prusisyon. At hindi rin po ito nakukuha sa pagpunas-punas ng imahe ng Poong Nazareno. Hindi ko sinasabi na hindi ito mahalaga. Hindi ko sinasabi 'wag gawin ito. Ang sinasabi ko lang parte lamang ito pero hindi ito ang kabuuan para mapalapit at makilala natin si Hesus,” sabi niya.

Dagdag niya, ang pagiging malapit sa Nazareno ay ang pagsasabuhay sa mga pangaral ni Hesus upang tayo ay makaiwas sa kasalanan.

Nilinaw din ni Hui na wala man ang nga nakasanayang taunang tradisyon, may mas magandang paraan para magbigay pugay sa Poon.

“Ang tunay na deboto kilala ang totoong Hesus Nazareno at kaya ipakilala ng Nazareno sa buong mundo. Ito ang tunay na pagdiriwang ng kapistahan— ang mapakilala si Hesus at maipakilala si Hesus at ang ating debosyon sa lahat ng tao,” aniya.

Sa paligid ng simbahan, bantay sarado ang mga pulis at walang tao o deboto na nakakatawid sa mga isinarang kalsada.

Mayroong plastic barriers na nakaharang sa mga kalsada malapit sa simbahan tulad ng sa Hidalgo at Villalobos Street.

Nakabantay ang mga pulis sa mga isinaradong kalsada.

May mga pulis din na nagbabantay sa Rizal Avenue at Carriedo para mapigilan ang mga debotong magtatangkang pumasok sa saradong kalsada.

May checkpoints ding naka-pwesto sa southbound lane ng Quezon Boulevard mula sa Fugoso Street papuntang Quezon Bridge.

Bandang alas-2 ng madaling araw, may isang motorsiklo na nakabangga ng dalawang pulis na naka-duty sa bandang Quezon Boulevard.

Malaking pinsala ang tinamo ng motorsiklo ng nakabangga at nang sumailalim ito sa breath analyzer test lumabas na ito ay nakainom nang maganap ang aksidente.

Agad naman nadala ang mga nasugatang pulis sa malapit na ospital. Patuloy pang iniimbestigahan ang pangyayari.

— Ulat ni Anna Cerezo, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.