Bukod kay ‘Santino’, Zaijian Jaranilla nais ding makilala sa role sa ‘Broken Marriage Vow’

Karl Cedrick Basco, ABS-CBN News

Posted at Jan 15 2022 04:34 PM

Mula sa Instagram ni Zaijian Jaranilla
Mula sa Instagram ni Zaijian Jaranilla

Tila hindi pa rin nakakawala ang aktor na si Zaijian Jaranilla kaniyang karakter na si “Santino”, higit isang dekada matapos bumida sa ABS-CBN series na “May Bukas Pa.”

Noong 2009, tumatak ang role ni Jaranilla na si “Santino” matapos maging inspirasyon sa maraming Pilipino at paglalapit sa mga manonood sa Panginoon na tinatawag niyang “Bro.”

Bagamat masaya na naging iconic ang kaniyang ginampanang karakter, umaasa si Jaranilla na makikilala rin siya sa iba pang mga role.

Sa panayam kay Jaranilla nito Huwebes, inamin nito na nais niyang tumatak din sa manonood ang pagiging Gio Ilustre niya sa inaabangang serye na “The Broken Marriage Vow.” 

Si Jaranilla ang gaganap na anak nina Dr. Jill Ilustre (Jodi Sta. Maria) at David Ilustre (Zanjoe Marudo) sa nasabing programa. Maiipit si Gio sa problema ng kaniyang mga magulang dahil sa pagpasok ng magiging kabit ng kaniyang ama na si Lexy Lucero (Sue Ramirez). 

“Gusto ko rin makita ako ng ibang tao na bukod kay Santino na nakilala nila. Gusto ko rin makilala nila ako bilang Gio. Sobrang proud din po kasi ako sa role ko kasi pinaghirapan ko talaga siya,” ani Jaranilla sa virtual press conference.

“Sana makita rin ng ibang tao hindi na ko si Santino. Si Gio Ilustre na ko. Feeling ko mamahalin din nila yung role ko e. Maaawa sila sakin.”

Pag-amin niya magpahanggang ngayon ay madalas pa rin siyang tinatawag na Santino ng maraming fans tuwing nakikita siya sa publiko. 

Pagbabahagi pa niya, natatawa na lamang siya kapag may mga senior citizen na naging masugid na tagasubaybay ng “May Bukas Pa” na nabibiglang malaki na siya. 

Inamin din ng batang aktor na sa kabila ng maraming proyektong nagawa na niya sa kaniyang karera sa showbiz ay nakakaramdam pa rin ito ng kaba at pressure sa trabaho.

Aniya, normal lamang ito lalo na kung bago at mahirap ang mga karakter na gagampanan niya.

“Hindi po mawawala yung pressure dun, yung kaba. Pag nawala na yung pressure sa sarili mo, parang di ka na nacha-challenge, di ka na naghahanap ng bago. Para sakin po pag may ginagawa po akong bago, pinag-iigihan ko at andun pa rin yung pressure,” ani Jaranilla.

“Pero pag nakita mo na ang ganda ng resulta nung ginagawa mong trabaho, mas magiging smooth na siya.”

Bukod sa “The Broken Marriage Vow”, gaganap din bilang “Ding” sa TV series na “Darna” si Jaranilla kasama sina Jane de Leon, Janella Salvador, at Joshua Garcia. 

Related videos:

Watch more on iWantTFC
Watch more on iWantTFC
Watch more on iWantTFC