Halalan 2022: 'Int'l scientist', mga may 'sagot' sa baha at COVID-19, naghain ng COC | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Halalan 2022: 'Int'l scientist', mga may 'sagot' sa baha at COVID-19, naghain ng COC

Halalan 2022: 'Int'l scientist', mga may 'sagot' sa baha at COVID-19, naghain ng COC

ABS-CBN News

 | 

Updated Oct 02, 2021 12:29 AM PHT

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) - Ika nga nila: "laban lang."

Hindi nawawala sa unang araw ng paghahain ng certificate of candidacy (COC) ang ilang natatanging aspirant, kabilang na ang isang dati nang tinawag na nuisance candidate ng Commission on Elections.

Naghain ng kaniyang COC si Laurencio Jun Yulaga, na umano'y "international scientist" na nagsabing kayang tanggalin ang COVID-19 sa pasyente sa pamamagitan ng electrocution.

"Uupo ka lang, 12,000 volts, automatic wala ka nang COVID. 'Yung kuryente pang-tao, puro positive, walang negative," aniya.

ADVERTISEMENT

Kabilang din sa gustong tumakbo ang senatorial aspirant na si Phil De Los Reyes, na isinusulong ang pabahay para sa lahat, at benepisyo para sa government employees.

At ang solusyon naman niya sa pagbaha ng bansa: "Pataasin ang bawat pader ng mga ilog sa Pilipinas para iwas baha. Para wala nang maapektuhan ng baha bawat taon."

Naghain din ng kandidatura para sa pagka-bise presidente si Rochelle David na gustong ilista siya bilang Rochelle "Medium ng Puti Dwende."

Nais naman ni Alexander Lague ng Green Republican Party na magpatayo ng palikuran para sa lalaki, babae at LGBT sa mga barangay sa Metro Manila kung mananalo siya bilang bise-presidente.

"Bawat barangay tatayuan ko ng banyo at CR, lalo na po iyong leading streets tulad ng Caloocan EDSA to EDSA Heritage Hotel Pasay City. Itong gagawin ko po ay para sa male, female at LGBT kasi ang LGBT ay ano rin ng Diyos...Sa mga far-flung barangays, wala naman sigurong LGBT doon. Kung meron man, kaunti lang so bigyan natin ng pansin ang Metro Manila," aniya.

Kasama rin sa tatakbo ang isang nagpakilalang si Dr. Jose Montemayor na tatakbo sa pagkapangulo para sa Halalan 2022.

Pangako niya: tapusin ang korapsiyon, kriminalidad at COVID-19 pandemic.

Napuno naman ng mura ang entablado ng Comelec nang magsalita si dating Pagsanjan Mayor Abner Afuang na tumatakbong senador.

Hindi lang China ang minura ni Afuang kung hindi si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa aniyang maling polisiya nito at masyadong pagpabor sa China.

"Nakakaawa ang bayan... ang Pilipinas nakita ko, province of China. F*** you!" ani Afuang matapos maghain ng kandidatura ngayong Biyernes.

Tatakbo rin sa pagkasenador ang isang Normal Marquez na nangakong kakatawanin ang animal lovers at pet owners na tinawag niyang: "pinakamalaking sektor ng lipunan."

Pumunta sa COC filing si Daniel Magtira, na dati nang kinilala ng Commission on Elections (Comelec) bilang nuisance candidate. Dating nagpakilala si Magtira bilang "mister" ni Kris Aquino.

Ngayong Biyernes, dala-dala niya ang aniya'y lumang campaign materials habang papasok ng Sofitel Tent para maghain ng kaniyang kandidatura sa pagkapangulo.

Pero base sa listahan na inilabas ng Comelec sa dulo ng COC filing nitong Biyernes ay wala ang kaniyang pangalan.

Sinabi naman ni Comelec Spokesman James Jimenez na tatanggapin nila ang certificates of candidacy ng mga "nuisance" bets, at mabibigyan sila ng oras para ipaliwanag ang sarili nila.

-- May mga ulat nina Ina Reformina, Jauhn Etienne Villaruel, Jeff Canoy, at Johnson Manabat, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.