Service interruption ng Maynilad pinalawig hanggang Nobyembre 29

ABS-CBN News

Posted at Nov 24 2020 02:59 PM | Updated as of Nov 24 2020 07:02 PM

Mga water meter sa Makati City. ABS-CBN News/File

MAYNILA — Inanunsiyo ngayong Lunes ng Maynilad na extended hanggang Nobyembre 29 ang kanilang rotational water service interruption.

Ayon sa Maynilad, kailangan pa ng 5 araw para maalis ang sludge o putik sa isa sa 3 nilang basin, at muling mapataas ang produksiyon ng tubig ng mga planta at mapuno ang mga reservoir.

Pero asahan umanong unti-unti nang iikli ang oras na walang tubig ang ilang apektadong Maynilad customers sa mga susunod na araw habang tuloy-tuloy ang pag-build up ng tubig sa mga pipeline.

Patuloy din umanong nag-iikot ang Maynilad mobile water tankers para mag-deliver ng tubig.

Watch more in iWantTFC

Ngayong Martes, Nobyembre 24 sana matatapos ang service interruption ng water concessionaire, nag-umpisa noong Nobyembre 18.

Iniimbestigahan na rin ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) Regulatory Office ang reklamo ng ilang kostumer ng Maynilad.

Ayon kay MWSS Chief Regulator Patrick Ty, nakatanggap ang kanilang tanggapan ng mga reklamong hindi nasusunod ng Maynilad ang interruption schedule nito o may mga kostumer na nawalan na lang ng tubig nang walang abiso.

Maliban sa Maynilad, nag-anunsiyo naman ang Manila Water na magpapatupad din ito ng service interruption simula Miyerkoles, Nobyembre 25.

Tinatayang nasa 232,000 kostumer ng Manila Water ang maaapektuhan ng interruption sa Manila City at Makati City.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.