Mga gulay, biglang mura sa Metro Manila dahil sa bagyong Ompong

ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2018 07:18 PM | Updated as of Sep 14 2018 08:59 PM

Ikinatuwa ng mga mamimili ang pagbaba ng presyo ng ilang gulay sa merkado.
 
Nitong mga nakaraang araw ay natapyasan kasi ng hindi bababa sa P10 hanggang P20 kada kilo ang presyo ng ilang gulay sa Metro Manila bunsod ng biglang pagdami ng suplay dahil sa sapilitang pag-aani.

Inaasahan kasing mananalasa sa ilang bahagi ng Luzon ang bagyong Ompong, kaya napilitan ang mga magsasaka na anihin ang kanilang mga tanim.

Sa Mega Q-mart, bumaba ng P10 kada kilo ang ilang mga gulay tulad ng repolyo, siling labuyo, petsay, carrots, patatas, at iba pa.

Presyo ng ilang gulay sa bilihin sa Sa Mega Q-mart:

  • Labuyo → P500/kilo mula sa dating P600/kilo
  • Carrots → P120/kilo mula sa dating P130/kilo
  • Petsay Baguio → P100/kilo mula sa dating P130/kilo
  • Repolyo → P100/kilo mula sa dating P110/kilo 
  • Patatas → P40/kilo mula sa dating P50/kilo

Ganoon din ang nagyari sa palengke sa Kamuning.

Presyo ng ilang gulay sa bilihin sa Kamuning market:

  • Sibuyas → P80/kilo mula sa dating P100/kilo
  • Sayote → P90/kilo mula sa dating P100/kilo
  • Petsay Baguio → P130/kilo mula sa dating P150/kilo
  • Siling labuyo → P600/kilo mula sa dating P800/kilo
  • Baguio beans → P80/kilo mula sa dating P120/kilo
  • Cauliflower → P180/kilo mula sa dating P260/kilo
  • Talong → P70/kilo mula sa dating P100/kilo
  • Kalabasa → P50/kilo mula sa dating P70/kilo
  • Ampalaya → P70/kilo mula sa dating P120/kilo

Ayon sa mga tindero, maraming suplay kaya mas mura ang kuha nila sa mga gulay.

Paliwanag naman ni Agriculture Secretary Manny Piñol, maaaring nakaapekto sa pagbaba mg bilihin ang maagang pag-ani ng mga magsasaka sa norte. 

Ang problema, tatamaan ng nagbabadyang bagyo ang ilan sa mga probinsiya na inaasahan ng bansa para sa bigas at gulay tulad ng Isabela at Ifugao.

Paniniguro ni Piñol, may mga dumarating naman daw na imported, kaya sapat ang magiging suplay ng bigas.

Pero ayon sa Department of Finance (DOF), may epekto ang bagyo sa magiging presyo sa palengke sa mga susunod na linggo, depende sa laki ng sira na maidudulot nito sa mga palayan at bukid.

"We should expect any major calamity to have some impact [on the prices of goods]," ani DOF Undersecretary Karl Chua. 

(Dapat nating asahan na ang anumang kalamidad ay magkakaroon talaga ng epekto sa galaw ng presyo ng mga bilihin sa merkado.)

Nitong Agosto lamang, naitala sa 6.4 porsiyento ang inflation o pagsipa ng presyo ng mga bilihin, na pinakamabilis nitong pag-akyat sa halos 10 taon.

—Ulat nina Lyza Aquino at Warren de Guzman, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.