'Dahil sa Ompong': Gulay sa Benguet bagsak-presyo matapos ang biglang ani

ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2018 10:24 PM

Watch more in iWantTFC

Hindi pa nakararanas ng pag-ulan pero nagsimula nang mag-empake ang ilang residente at maaga na ring nag-ani ang mga magsasaka sa ilang bahagi ng Benguet bunsod ng maaaring pananalasa ng bagyong "Ompong."

Sa La Trinidad, napilitan ang mga magsasaka na anihin ang kanilang mga gulay. 

"Para mas secure kaysa makuha ng bagyo. Lugi masyado pag nabaha na ito wala nang maha-harvest," ayon sa magsasakang si Minerva Pusawon.

Dahil biglang dami ang supply, bumaba nang hanggang P10 ang presyo ng ilang gulay gaya ng patatas at wombok (pechay-Baguio).

PAGLIKAS

Samantala, ang mga residente ng City Camp Lagoon sa Baguio City ay naghahanda na ring lumikas anumang oras. 

Ang pamilya ni Rodrigo Macario, nag-empake at nag-ayos na ng mga sirang bahagi ng kanilang bahay bilang paghahanda sa bagyong Ompong.

Sa La Union, hindi man pumalaot ang ilang mangingisda pero may ilang residenteng nanghuli pa rin para may makain ang pamilya.

Pinaalalahanan naman ng Office of Civil Defense ang mga nakatira sa coastal areas na maghanda sa posibleng storm surge. 

Sa Dagupan City, nag-empake na rin ang ilang residente na inalerto sa posibleng paglikas. Dagsa na rin ang mga tao sa supermarkets para makabili ng pagkain na tatagal ng ilang araw.

Samantala, higit 1,000 pasahero naman ang stranded sa iba't ibang pantalan ng Bicol region dahil hindi na pinayagang maglayag ang mga barko.

Sa Biñan City, Laguna, nag-aalala naman sa epekto ng Ompong ang ilang residente na lubog pa rin sa baha dulot ng habagat noong mga nakaraang buwan.

Ayon sa PAGASA, posibleng maranasan na ang pag-ulan simula Biyernes hanggang sa weekend.

—Ulat ni Micaella Ilao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.