ALAMIN: Lakas, bilis, direksyong tutumbukin ng bagyong 'Ompong'

ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2018 07:58 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Bahagyang bumilis sa 25 kilometers per hour (kph) papuntang west northwest (kanluran hilagang-kanluran) ang bagyong "Ompong" nitong Huwebes ng hapon mula sa 20 kph noong umaga, ayon sa huling ulat ng PAGASA. 

Napanatili nito ang lakas na 205 kph na may pagbugsong umaabot sa 255 kph.

Bahagya namang lumihis si Ompong. Kung noong Miyerkoles ay sinabi ng PAGASA na inaasahang tatama ang sentro ng bagyo sa northern tip lang ng Cagayan, ngayon ay bahagyang bumaba ito at inaasahang magla-landfall na sa Cagayan-Isabela area.

Huling namataan ang bagyo sa layong 575 kilometers east northeast (silangan hilagang-silangan) ng Virac, Catanduanes.
    
Ayon sa PAGASA, Biyernes pa makararanas ng malalakas na hangin at ulan ang Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region. Sa parehong araw din inaasahan ang pinakamaraming ulan sa Aparri.

Sa Sabado ng madaling araw inaasahang tatama ang bagyo sa Cagayan-Isabela area. Sa Tuguegarao at Baguio naman ang pinakamatinding ulan sa naturang araw. 

Ayon sa PAGASA, posibleng umabot sa tatlong metro ang taas ng storm surge sa coastal areas ng Isabela, Cagayan, Ilocos Norte, at Ilocos Sur. Nangyayari ang storm surge kapag tintutulak ng malakas na hangin ng bagyo ang tubig-dagat papasok sa baybayin. 
    
Ang tatlong metrong taas na storm surge ay halos kasingtaas ng isang palapag na bahay. 

Ang habagat naman na pinalakas ng bagyo ay magpapaulan sa Biyernes sa Palawan, Zamboanga Peninsula, at Visayas.

Sa Metro Manila, makararanas na rin ng katamtaman hanggang sa paminsang malalakas na pag-ulan sa Biyernes ng hapon hanggang Sabado. 
    
Kasalukuyang nasa ilalim ng Signal No. 1 ang mga sumusunod na lugar:

• Abra
• Albay
• Apayao
• Aurora
• Bataan
• Batanes
• Batangas
• Benguet 
• Bulacan
• Burias and Ticao island
• Cagayan kasama ang Babuyan group of Islands
• Camarines Norte
• Camarines Sur
• Catanduanes
• Cavite
• Kalinga
• Ifugao
• Ilocos Norte
• Ilocos Sur 
• Isabela
• La Union
• Laguna
• Masbate
• Metro Manila
• Mountain Province
• Northern Occidental Mindoro
• Northern Oriental Mindoro
• Northern Samar
• Nueva Ecija
• Nueva Vizcaya
• Pangasinan
• Pampanga
• Quezon kasama ang Polillo Island
• Quirino
• Rizal
• Sorsogon
• Tarlac
• Zambales

Ayon sa PAGASA, ang Cordillera at Ilocos region, kabilang ang La Union, at Pangasinan, ang makararanas ng pinakamatinding pag-ulan.


—Ulat ni Bettina Magsaysay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.