Magkakaroon ng pagtaas sa singil sa tubig ang Maynilad at Manila Water ngayong Enero.
Nasa P8.04 kada cubic meter ang taas-singil sa Manila Water habang P3.29 naman sa Maynilad.
Maglalaro na sa P86 hanggang higit P750 ang magiging bayarin ng mga residential customer ng Manila Water, depende sa konsumo.
Nasa P130 hanggang halos P1,000 naman umano ang water bill ng mga ordinaryong residential customer ng Maynilad.
Pero nagbabala ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System Regulatory Office sa Maynilad kaugnay sa water service interruption na nararanasan sa ilang lugar sa Cavite at Metro Manila bunsod ng problema sa Putatan water treatment plant.
Konektado kasi umano ito sa kasunod na water rate hike ng Maynilad sa mga susunod na taon.
"We are studying imposing another financial penalty at ito ay mare-rebate ulit sa publiko lalo na sa affected customers," ani MWSS Chief Regulator Patrick Ty.
Ngayong Huwebes, nag-abiso ang Maynilad na mag-ipon ng tubig sakaling magkaroon ng emergency water interruption dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan.
Puwede kasi umano itong mauwi sa "increased turbidity" o paglabo ng tubig mula Angat at Ipo Dam, na magbabawas ng produksiyon ng malinis na tubig.
Samantala, muli namang ipinaalala na namumurong tumaas ang singil sa kuryente ngayong Enero ng Meralco.
Tapos na kasi umano ngayong Enero ang isa sa tatlong natitirang refund ng Meralco.
Dahil kumalas ang planta ng San Miguel sa pagsu-supply ng mas murang kuryente, obligadong kumuha ng mas mahal na kuryente sa spot market at ibang kontrata ang Meralco, na posibleng magdulot ng mataas na singilan.
Nilinaw din ng Meralco na walang naging problema sa supply nila ng kuryente sa air traffic management system ng Civil Aviation Authority of the Philippines, na nagdulot ng aberya sa mga paliparan noong Bagong Taon.
— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.