Nag-abiso sa mga konsumer ngayong Martes ang Meralco na may nagbabadyang dagdag-singil sa kuryente sa unang buwan ng 2023.
Ayon sa Meralco, tapos na kasi sa Enero ang isa sa tatlong refund na P0.28, at mararamdaman na rin ang epekto ng mas mahal na supply ng kuryente bunsod ng pagkalas ng isang planta ng San Miguel bilang murang supplier ng Meralco matapos makakuha ng temporary restraining order (TRO) sa Court of Appeals (CA).
"The impact of those two factors will really impact heavily on what the final billings of Meralco customers will be," ani Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga.
Umapela na rin ang Meralco sa CA na tanggalin ang TRO dahil negatibo ang epekto nito sa mga konsumer.
"Para na rin sa proteksiyon ng publiko sa posibleng maging dulot ng dagdag-singil sa kuryente," ani Zaldarriaga.
Dahil sa TRO, napuwersa ang Meralco na pumasok sa emergency power supply agreement sa isang planta ng Aboitiz sa presyong halos P6 kada kilowatt hour, mas mahal kompara sa kontrata ng San Miguel na nasa P4.30.
Iginiit din ng grupong Power4People Coalition na dehado ang mga konsumer sa kasunduan.
"Ang problema namin sa isang emergency contract ay 'yong nature niya, basically isa siyang holdup eh kasi walang choice, either wala kang kuryente o mahal na kuryente so 'di ka makakapamili," ani Power4People Coalition Convenor Gerry Arances.
Ayon sa grupo, hindi dapat konsumer ang sumalo sa diperensiya ng presyo.
Una nang sumulat ang Meralco sa South Premiere Power para singilin ang diperensiya ng presyo ng kuryente sa spot market at sa naitigil na kontrata.
— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.