No contact apprehension gusto munang ipasuspinde ng LTO

ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2022 06:06 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Iniutos ng Land Transportation Office sa ilang local government unit na suspendihin muna ang pagpapatupad ng no contact apprehension policy sa kabila ng reklamo ng mga motorista.

Ayon kay Atty. Ariel Inton, presidente ng Lawyers for Commuters Safety and Protection, nakarating na sa kanila ang utos ni LTO chief Teofilo Guadiz III.

"Malaking bagay po 'yung statement ng ating LTO chief na isuspinde muna itong NCAP dahil sa patong-patong na reklamo na pinapahayag ng ating mga motorista," aniya sa panayam sa TeleRadyo Martes.

Sumulat si Guadiz sa ilang LGUs na suspendihin muna ang programa para plantsahin ito. Kabilang sa mga nagpapatupad ng NCAP ay Manila City, Parañaque City, Quezon City at Valenzuela City.

Ani Inton, sumulat din sila sa LTO noong nakaraang linggo matapos hindi payagan ang ilang motorista na makapag-renew ng rehistro ng kanilang mga sasakyan dahil sa hindi pagbayad sa traffic violation.

Para rin sa grupo, dapat ipataw sa driver ang traffic violation at hindi sa registered owner o operator. 

Dagdag ni Inton, masyadong labis ang multa sa ilalim ng NCAP.