Ama ng batang binenta pambayad sa e-sabong, di alam na lulong sa bisyo ang kinakasama

Benise Balaoing, ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2022 11:55 AM | Updated as of Mar 15 2022 08:36 PM

Watch more on iWantTFC

MANILA – “Hindi niya po sinasabi sa akin.” 

Ito ang nasabi ni alyas “John,” ang ama ng sanggol na binenta ng ina para may pambayad sa e-sabong, nang tanungin kung alam niya na nalululong na sa bisyo ang kanyang kinakasama.

Ayon kay John, itinago sa kanya ng kanyang nobya ang pagkahumaling nito sa talpakan.

Aniya, hindi niya rin ito natutukan dahil sa kanyang trabaho bilang tagakabit ng WiFi sa iba’t ibang bahay.

Wala rin umanong trabaho ang ina ng bata, ayon kay John.

“Meron po siyang ano, [kung] baga sinasamahan lang po siya ng kaibigan niya po para umutang sa ibang tao.”

Ayon kay John, lumapit na sila sa National Bureau of Investigation (NBI) para hingin ang kanilang tulong sa pagbawi ng kanilang 8 buwang gulang na supling.

“Yung cellphone po, binigay po namin yung cellphone sa NBI po tsaka hinahanap po namin yung taxi po na pinagsakyan niya.”

Kuwento pa niya, “Yung kung saan po sya sumakay, doon po pinuntahan po namin para ma-surveillance po namin yung CCTV.”

Watch more News on  iWantTFC

Ayon kay NBI Cybercrime Division chief Victor Lorenzo, sinisilip na nila kung anong reklamo ang maaaring ihain sa bumili sa anak ni John.

“Yun nga ho ang dapat natin din malaman, kasi pagka ho lang talagang para sa kanya lang, baka ang violation niya, doon sa Special Protection of Children Against Abuse, yung sa engage in trading, in buying and selling.”

“Pero ho pagka ang intension niya iba, for example ho sa child pornography, sa sexual exploitation or prostitution, magfa-fall ho siya sa Anti-Trafficking of Persons Act,” aniya. 

Paliwanag ni Lorenzo, sa ilalim ng Republic Act 7610 ay maaari ring managot ang magulang na nagbenta ng anak. 

“Pero wag siguro muna yun ang magiging focus. Ang focus muna natin siguro yung recovery ng bata.”