Home > News Mga mangingisda apektado ng 2 barkong sumadsad sa Balayan Bay ABS-CBN News Posted at Feb 01 2023 10:57 AM Share Facebook Twitter LinkedIn Viber Watch more on iWantTFC MAYNILA — Apektado na rin ang ilang mangingisda sa Batangas ng 2 barkong sumadsad sa Balayan Bay, sabi ng isang lokal na opisyal sa lugar ngayong Miyerkoles. “Ang mga mangingisda po namin talaga ang apektado,” sabi ni Tessie Lopez, barangay chairperson ng Palikpikan sa Balayan, Batangas. Paliwanag ni Lopez sa TeleRadyo, tuwing maglalayag ang ilang mangingisda sa kanilang lugar, malakas ang nagiging hampas ng tubig sa maliliit na sasakyang pandagat. “Lumulubog po ‘yung mga bangka namin,” dagdag niya, “dahil iba po ang current ang lakas ng alon kapag may naka-kuwang barko dahil ang bangga [ng tubig] sa barko malakas ang balik.” Sumadsad sa Balayan Bay ang bulk carriers na MV Hanako at MT Ocean Queen 9 ng Amparo Shipping Lines noong kasagsagan ng bagyong Quinta taong 2020. Nasira na ang dalawang bahay sa lugar dahil sa pagkakasadsad ng dalawang barko, ayon sa reklamo ng mga residente. Unti-unti na ring natitibag ang shoreline dahil nawala na ang natural flow ng alon dahil sa mga nakaharang na barko, sabi ni Batangas Coast Guard Station Commander Capt. Vic Acosta. Dagdag niya, isang "disaster waiting to happen" sa komunidad kapag hindi naalis ang barko dahil unti-unti na itong lumalapit sa pampang. Pagsapit ng katapusan ng Pebrero ay dapat naialis na ang dalawang nakasadsad na barko, ani Lopez. "Sabi ko kay sir [Vic] hanggang akinse. Pero ako po naman sabi ko hanggang katapusan ma-tow away na ‘yan, matanggal na.” 2 barkong sumadsad sa Balayan Bay sa Batangas nagdudulot na ng panganib Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita. Share Facebook Twitter LinkedIn Viber Tagalog news, TeleRadyo, Balayan, Batangas, PatrolPH, regions, regional news Read More: Balayan Batangas MV Hanako MT Ocean Queen 9 Amparo Shipping Lines Tessie Lopez