PatrolPH

OFW deployment ban sa Kuwait, 'malabo'

ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2023 02:04 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Hindi umano magkakaroon ng deployment ban sa Kuwait kahit na may pinaslang na OFW sa naturang bansa, ayon kay Migrant Workers (DMW) Sec. Susan "Toots" Ople.

Pinatay umano ng anak ng amo ang migrant worker na si Jullebee Ranara, na natagpuan sa disyerto na sunog na kamakailan lang. Nakakulong na ang suspek.

Ani Ople, para kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kailangan lamang na palakasin at paigtingin ang relasyon ng Kuwait at Pilipinas. Dagdag niya, may channels of communication sa pagitan ng Kuwait at ng embahada ng Pilipinas doon.

Aniya, ang ahensiya ni Ranara sa Kuwait at Pilipinas ang nakitaan ng rason para suspendihin.

Wala pang pinag-uusapan na "blood money" umano sa kaso ni Ranara. At walang partikular din na hiling ang pamilya Ranara kung 'di hustisya sa pagpaslang kay Julleebee, ani Ople.

Nabigyan na umano ng tulong ang pamilya Ranara, kabilang ang scholarships na ipagkakaloob ng DMW sa mga anak ni Julleebee hanggang makatapos ang mga ito sa kolehiyo.

Wala pa umanong lumalabas na autopsy report kaya't wala pang kompirmasyon kung ginahasa at buntis si Julleebee, dalawang linggo pa bago lumabas ang autopsy report na sinasagawa ng National Bureau of Investigation.
 
Wala ding officially communicated na autopsy report sa isinagawang imbestigasyon ng Kuwait, dagdag ni Ople.

Kamakailan lang, ipinahayag ni Senate committee on migrant workers chairman Raffy Tulfo na nais niya ipahinto ang pagpapadala ng mga manggagawang Pilipino sa Kuwait kasunod ng pagkamatay ni Ranara.

Aniya, hindi siya kuntento, kasama ang mga ibang mambabatas, sa mga hakbang ng gobyerno ng Kuwait kaya iginiit nila na dapat magpatupad ng ban sa naturang bansa hangga't walang konkretong aksiyon na ipatutupad para maiwasan na ang pang-aabuso sa mga OFW. 

Kinondena na ng foreign minister ng Kuwait ang nangyaring pagpatay kay Ranara. —SRO, TeleRadyo, Enero 30, 2023.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.