PatrolPH

KBYN: Alkansyang itsurang bahay kabuhayan ng isang pamilya sa Rosario, Cavite

ABS-CBN News

Posted at Nov 27 2022 11:33 PM

Watch more on iWantTFC

Hanapbuhay ng isang pamilya sa Rosario, Cavite ang paggawa ng mga alkansyang itsurang bahay mula sa mga pira-pirasong kahoy at papel.

Nagsimula ito sa dating construction worker na si Norlito Lamoste.

Dahil sadyang mahilig magbutingting ang mga kamay ni Lamoste, nakaisip siya ng paraan na mapakinabangan ang mga patapon nang materyales sa construction.

"Mga tapunan na sobra-sobra ng pabrika, tinatapon nila sa basurahan. Parang naglalaro lang ako noon eh. May maliliit na bakod, puwede ko siyang buuing bahay na maliit. Igagaya ko sa ginagawa kong construction," pagdedetalye niya sa KBYN.

Dahil tuloy-tuloy ang pasok ng kita mula sa mga nabubuo at naibebenta nilang bahay na alkansya, naging kabuhayan na rin ito ng iba pa nilang kamag-anak.

Dahil din sa bahay na alkansya, nakapagpundar si Lamoste ng maayos na tirahan para sa kaniyang pamilya.

Kinailangan niya rin itong ibenta noong dumating ang pandemya.

"Akala namin, okay na, magtutuloy-tuloy na. Itong hanapbuhay naman namin, hindi ‘yan diyan lang sa tabi. Talagang idadayo mo 'yan para mabenta," kuwento niya.

Pero hindi sumuko sa pangarap ang pamilya Lamoste.

Ngayong nakabebenta na ulit sila ng mga alkansya, ang tinitirhan nila sa kasalukuyan ay unti-unti nilang nabubuo.

Iba’t-iba ang mga disenyo ng alkansya na inilalako ngayon ng pamilya Lamoste.

May single house, duplex at two-story house.

Pinasok na rin nila ang online selling kung saan ang punong abala naman ay ang panganay na anak ni Lamoste na napagtapos niya ng pag-aaral mula sa paggawa ng mga bahay na alkansya. 

"‘Di puwedeng sumuko. Walang iwanan. Tulong-tulong tayo. Nandito na tayo sabi ko, kayo ang nagtitinda, kami gumagawa. Sama-sama tayo walang iwanan. Makukuha rin natin ‘yan. Tiyaga lang. Kahit sa pag-iipon, kailangan mo talaga tiyaga," ani Lamoste.

Ma-inspire sa pagsusumikap ng pamilya Lamoste sa kabuhayang nagpa-angat sa kanilang buhay sa KBYN: Kaagapay ng Bayan kasama si Kabayan Noli de Castro. 

RELATED LINKS:

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.