'Nagsinungaling naman': Mga mangingisda dismayado sa jetski 'joke' ni Duterte | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

'Nagsinungaling naman': Mga mangingisda dismayado sa jetski 'joke' ni Duterte

'Nagsinungaling naman': Mga mangingisda dismayado sa jetski 'joke' ni Duterte

Joyce Balancio,

ABS-CBN News

 | 

Updated May 12, 2021 10:38 PM PHT

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

MAYNILA — Hindi maitatago ng ilang mga mangingisda sa Infanta, Pangasinan ang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na "pure campaign joke" lang ang sinabi niya noong pag-jetski sa Scarborough shoal para igiit ang karapatan ng mga Pinoy.

Sa Dagupan City, Pangasinan idinaos ang 2016 Presidential Townhall Debate ng ABS-CBN kung saan libo-libo ang dumalo, kasama ang mangingisdang si Carlo Montehermozo.

Isa siya sa mga mapalad na nakapagtanong sa mga kandidato.

"Ano po ba ang puwede ninyong gawin para sa aming mangingisda upang matulungan kami na hindi maitaboy ng Chinese Coast Guard at para makapamingwit kami nang mabuti at mayapa?" tanong ni Montehermozo.

ADVERTISEMENT

Nangibabaw ang sagot noon ni dating Davao City Mayor at ngayo’y pangulo na si Duterte na sinabing magje-jetski siya para itanim doon ang watawat ng Pilipinas.

Pero nitong linggo, makalipas ang 5 taon, ibinunyag ni Duterte na biro lang ang sinabi niya at sinabing "istupido" ang mga naniwala dito.

Binalikan ng ABS-CBN News si Montehermozo at bakas sa kanyang tono ang labis na pagkadismaya lalo't kabilang siya sa mga naniwala at bumoto kay Duterte noong nakaraang halalan.

"Nagsinungaling naman siya sa amin, hindi naman tinupad iyong ano niya, iyong sinabi niya sa amin... Dapat hindi joke ang sabihin niya, gawin niya iyong sinabi niya sa akin, para hindi naman kami mukhang tanga doon sa Scarborough na ganito ang ginagawa sa amin," hinaing niya.

Ayon kay Montehermozo, walang nagbago sa sitwasyon sa Scarborough shoal mula nang umupong pangulo si Duterte.

Naroon pa rin ang Chinese coast guard at tinataboy ang mga mangingisdang pumapasok sa Scarborough.

Pinagtitiyagaan na lang nina Montehermozo ang ano mang mahuhuli sa gilid ng Scarborough para lang maitawid sa hirap ng buhay ang kanyang pamilya.

"Iyon nga ang masaklap doon eh, hindi kami nakakapasok doon sa loob. Pati bangka namin na malalaki... Diskarte na lang ginagawa namin para makapangisda sa loob," ani Montehermozo.

Nang itaboy noong 2015 ng Chinese coast guard ang tropa nina Montehermozo, kasama niya ang pinsang si Efren na patagong kumuha ng video ng mga pangyayari.

Isa rin siya sa mga umasa sa pangako ni Duterte na mapoprotektahan na sila.

"Tuwang tuwa ako kasi ipagtatanggol ang mangingisda, pero hindi naman niya tinupad eh, hanggang sa salita lang iyan siguro... Kung ganoon nalang din po hindi na po ako boboto," ani Montehermozo.

Si Marbin Mayo, abala naman sa paghahanda para pagpunta muli ng tropa sa Scarborough shoal sa Huwebes.

Ilang beses na nilang naranasan ang maitaboy ng Chinese coast guard pero hindi pa rin aniya sila mapapagod na ibuwis ang buhay sa kada pagpunta sa laot alang-alang sa kanilang pamilya.

"Sa amin talaga sapalaran na lang kami kung ano ang mangyayari doon, kung magkainitan talaga mapilitan na aalis doon... Patigasan na lang ng ulo para makahanapbuhay."

Giit naman ng Philippine Coast Guard, pinaigting na ng bansa ang patrolya sa Scarborough para matiyak ang kaligtasan ng mga mangingisdang Pilipino.

Itinanggi naman ng Palasyo na walang nagawa ang Pangulo para sa mga mangingisda sa Scarborough shoal.

"Paano nila masasabi na hindi napakinggan eh nakakapangisda sila ngayon... Nakakapangisda sila ngayon so wala dapat problema," ani Presidential spokesman Harry Roque.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.